Pinoy, Tsinoy timbog sa buy-bust sa Kyusi

SWAK sa kulungan ang isang Pinoy at Fil-Chinese matapos madakip ng Regional Anti-Illegal Drugs Task Group ng National Capital Region Police Office sa isang buy-bust operation sa Quezon City kaninang madaling-araw.

Kinilala ang dalawang nadakip na sina Kevin Yu, 27, ng San Roque, Tarlac at Benigno Rapsing, 29, ng 790 Cebu St., Sampaloc, Manila.

Ayon sa ulat ng awtoridad, nakumpiska sa dalawa ang may isang kilo ng shabu, isang kalibre .380, isang sasakyan at 2 milyong pisong marked money.

Nabatid kay SPO1 Juan Solares ng Quezon City Police District Station 1 Laloma isinagawa ang operasyon 3:30 ng madaling araw sa P. Florentino at Mayon St., Brgy. Sta. Teresita, La loma, QC.

Ayon kay Solares, nagkaroon ng transaksiyon sa pagitan ng mga suspek at sa isang tauhan ng NCRPO hinggil sa bentahan ng shabu hanggang sa magkasundong magkabayaran sa nasabing lugar.

Lingid sa kaalaman ng mga suspek na nakapaligid at nakapuwesto na sa lugar ang mga tauhan ng anti illegal drugs at hinintay na lamang ang hudyat habang nagkakaabutan sa madilim na bahagi sa lugar.

Pansamantalang idiniretso sa headquarters ng NCRPO sa Taguig ang dalawang nadakip, habang dinala sa PNP crime lab sa Kampo Crame ang mga nakumpiskang droga at ang baril naman ay dinala sa firearms and explosives division .

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply