Piyansa ni GMA, malabong aprubahan – Alan

TIWALA si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na malabong mapagbigyan ng Pasay City Regional Trial Court Branch 112 sakaling humirit ng piyansa ang kampo ni dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Ito ang naging sagot ni Cayetano sa pananaw ni Sen. Miriam Defensor Santiago na kahit ‘non-bailable’ ang electoral sabotage case ni dating Pangulong Arroyo sa Pasay RTC, maaari pa rin siyang mag-apply ng piyansa kung mapatutunayang mahina ang ebidensiya laban sa kanya.

Binigyang-diin ng senador, dating chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na hindi makakahirit ng bail si Rep. Arroyo dahil napakalakas ng ebidensiyang iniharap ng Commission on Elections (Comelec) laban sa dating Pangulo.

“Ako’y naniniwala na kaya matagal finile ang mga kaso dahil pinalakas muna mga ebidensiya at hinintay ang mga witness na diretsang magtuturo sa mga Arroyo or sa partisipasyon ng dating Pangulo,”pagdidiin ni Cayetano.

Maging ang kampo ni Arroyo, alam na mabibigat ang ebidensiya laban sa kanya kung kaya ang hinahanapan nila ng butas ay ang proseso, tulad ng pagkuwestiyon nila sa legalidad ng pagsasampa ng Comelec at Department of Justice (DOJ) ng kaso laban kay Gng. Arroyo.

“Sa ngayon ayaw ng dating Pangulo na mapunta sa ebidensiya, na mapunta sa isyu. Ang inaatake nila yung proseso,” paliwanag ni Cayetano.

Kasabay nito ay sinabi ni Cayetano na suportado niya ang anumang magiging desisyon ng Pasay City RTC kung saan maaaring idetine si dating Pangulong Arroyo, kahit na ang house arrest.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply