PNoy dedma sa pagpapasibak sa economic managers

WALANG balak si Pangulong Benigno Aquino III na patulan ang hirit ng ilang miyembro ng minority bloc sa Kamara na sibakin ang kanyang economic managers bunsod ng paghihingalo ng ekonomiya ng bansa.

Inamin ni Presidential spokesman Edwin Lacierda na maraming external factor na labis na nakaapekto sa ekonomiya ang hindi kayang kontrolin ng economic managers gaya ng pagbagsak ng ekonomiya ng Estados Unidos at Europa subalit sa kabila nito ay nagawan pa rin aniya ng paraan ng  economic managers na hindi maapektuhan nang husto ang bansa.

Sa katunayan pa nga aniya ay maaaring makapagbigay pa ng dagdag na P10,000 bonus ang mga kawani ng pamahalaan sanhi ng magandang fiscal management na nagawan ng pamahalaan.

Bukod pa sa malakas din ang banking industry at hindi rin aniya nabaon sa utang ang bansa dahil naging maingat ang economic managers na maayos ang fiscal system upang hindi matulad ang Pilipinas sa ibang bansa na dumaranas ngayon ng economic crisis.

Sa kabilang dako, hindi naman itinanggi ni Sec. Lacierda na apektado ngayon ang export sector.

Samantala, asahan na aniya sa susunod na taon na maramdaman ang epekto ng pagtaas ng government spending na nagsimula ngayong huling bahagi ng taon.

May ilan na rin aniyang nakalatag na mga proyekto sa susunod na taon sa ilalim ng Public-Private Partnership Program.

Batay sa ulat ng National Statistic and Coordination Board ay naitala ang GDP growth ng bansa nitong nakaraang 9 na buwan sa 3.2 porsiyento mula sa 3.4 porsiyento ng ikalawang bahagi ng taon habang target ng pamahalaan ngayong taon ay 4.5 hanggang 5.5 porsiyento.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply