PNoy mabuting kaibigan, masamang kaaway

ANG mga kaganapan kaugnay kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay pakita lang o patunay na si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ay isang masamang kaaway.

Matindi ang ginawang pagganti ni PNoy para sa kaapihang inabot ng sambayanang Filipino sa kamay ng mga Arroyo noong ito ay nasa posisyon pa.

Matinding kahirapan at matinding pagkagutom nga naman ang kinalabasan ng pamumuno nito sa bansa na pawang ang nakinabang ay ang kanyang pamilya at mga kaalyado.

Nararapat nga lang na ipinararamdam ni PNoy sa dating  mga  nasa  puwesto ang sakit at hirap na dinaraanan ng mga mamamayan sa kamay ng mga sukab noong sila ay pawang nasa kapangyarihan pa.

Natural lang na sabihin ng mga kapanalig ni Pampanga Rep. Arroyo na  masyadong malupit at hindi makatao ang turing ng pamahalaan sa dating puno ng bansa na ngayon ay nahaharap sa mga kaso ng pandaraya sa halalan at pandarambong.

Hindi na dapat pang magsalita ang mga ito ng kung anomang laban sa pamahalaan na kesyo napakabilis ng ginawang imbestigasyon at resolusyon para lang mabaon si Arroyo sa mga kasalanan nito sa bayan dahil ganito rin naman ang ginawa nila kay dating Pangulong Joseph Estrada na nahatulan at nakulong gayung malinaw ang kaso na hindi ito nagnakaw sa bayan.

Galing sa jueteng ang perang pinag-uusapan sa kaso.

Makabubuting harapin na lang ang kaso at ilaban sa korte ang asunto upang matapos na ang usapin at marami pang problema ang bayan na dapat harapin ni Aquino na masasabi ring isang mabuting kaibigan.

Totoo. Mabuting kaibigan si Pang. Aquino dahil hindi ito nang-iiwan ng kaibigan.

Kapag kanyang pinangakuan ng puwesto o inilagay sa puwesto ay kanya itong ipaglalaban kahit pa batid niyang may mga pagkakamali ang mga ito.

Halimbawa na rito ay sina Bureau of Corrections director Ret. Gen. Gaudencio Pangilinan at Land Transportation Office chief Virginia Torres na pawang iniluklok sa puwesto ni Aquino bagaman kwestiyunable ang kanilang karakter at kapasidad. (ITUTULOY)

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply