Preliminary investigation sa Ramgen slay natuloy na

MAKARAAN ang mahigit na dalawang oras na paghihintay sa mga taga usig, natuloy din kanina ang pagsasagawa ng preliminary investigation sa kaso ng dalawa pang arestadong suspek sa

pagpaslang kay Ramgen Jose Bautista matapos sumipot ang kanilang abogado sa Parañaque

City Prosecutors Office.

Nagpakita na ng pagkairita si Assistant City Prosecutor Leah Roma na humahawak sa kaso sa pagkaantala ng pagdating ng abogado ng mga akusado na si Atty. Analuz Cristal kaya nagbigay na siya ng palugit ng hanggang alas-5 ng hapon para lamang matuloy ang preliminary investigation.

Dakong 4:10 ng hapon nang dumating si Atty. Cristal, kasama ang dalawang lalaki at isang

babae na hindi kaagad nabanggit ang pangalan na umano’y tatayong testigo ng kanyang mga

kliyente at magpapatunay na inosente ang mga ito sa kaso.

Ikinatuwiran ni Atty. Cristal na hindi siya nakasipot sa preliminary investigation kahapon dahil hinanap pa niya ang mga testigo na magpapatunay na walang kinalaman sa krimen ang kanyang mga kliyente.

Si Atty. Cristal ang nagsilbing abogado ng mga suspek na sina Michael Jay Naltea at Roy Francis Tolisora habang si Chief Insp. Almir Mangandong naman ang tumayong legal counsel ng Task Force Ramgen na naghain ng kasong murder at frustrated murder laban sa mga akusado, kabilang ang magkapatid na Ramon Joseph “RJ” Bautista at Ma. Ramona Belen-Bautista at tatlo pang suspek na sina Norwin dela Cruz, kalive in na si Glaiza Vista at isang alyas Bryan.

Kumpiyansa naman si Chief Insp. Enrique Sy, hepe ng naturang task force na maisasampa rin

ng piskalya sa korte ang kaso laban sa mga akusado dahil lalo pang tumibay ang kanilang hawak na ebidensiya, kabilang ang paglobo sa bilang na 10 ang kanilang ihaharap na testigo.

Nauna rito’y nagpahayag na si Assistant City Prosecutor Roma na siyang may hawak sa kaso na posibleng maglabas na rin siya ng resolusyon sa susunod na linggo kaugnay sa naturang usapin sa oras na matapos ang isinasagawang preliminary investigation.

Kanina ay isinumite na ng task force ang sinumpaang salaysay ng isa pang testigong si Lloyd Comeda kung saan inamin niya na kasama siya nina Norwin dela Cruz at Glaiza Vista nang planuhin ang pagpaslang kay Ramgen subalit hindi aniya siya sumama na isakatuparan ang krimen.

Bukod kay Comeda, tatayo ring mga testigo sina Ruel Puzon, Ronaldo Ancajas, Nilo Caoit, tatlong kasambahay ng pamilya ng namatay dalawang security guard ng BF Homes at ang kasintahan ni Ramgen na si Janelle Manahan.

Bago isagawa ang preliminary investigation, sinabi ni Chief Insp. Sy na nagpadala silang muli ng liham sa ama ni Manahan na si Julius na humihiling na pahintulutan silang makausap muli ang kanyang anak na nagpapagaling pa sa Asian Hospital matapos ang matagumpay na operasyon mula sa tama ng bala sa mukha.

Marami pa aniya silang nais malaman kay Janelle kahit nakuhanan na nila ng salaysay dahil hindi nila mapuwersang usisaing mabuti dulot na rin ng maselang kalagayan sanhi ng mga tinamong tama ng saksak sa dibdib at bala sa mukha.

Kaugnay nito’y naghain naman ng mosyon sa sala ni Judge Madrona si Atty, Dennis Mananzal,

abogado ng akusadong si RJ Bautista na humihiling na ipawalang bisa o ibasura ang kaso laban sa kanyang kliyente dahil sa umano’y ilegal na pag-aresto sa suspek.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply