Preliminary investigation vs Ramona tuloy na

MATAPOS maudlot ang naunang preliminary investigation,  itutuloy na bukas ang preliminary investigation ng Parañaque Prosecutors Office sa kasong murder at frustrated murder na inihain ng pulisya laban kay Maria Ramona Belen Bautista na isa sa itinuturong utak sa pagpaslang sa kanyang nakatatandang kapatid na si Ramgen.

Ayon kay Parañaque Assistant City Prosecutor Leah Roma, sapat na ang ibinigay nilang palugit sa abogado ni Ramona na si Atty. Dennis Manzanal kaya’t itinakda na ang pang-unang imbestigasyon bukas ng alas-2 ng hapon.

Magugunita na hindi natuloy nitong Nobyembre 10 ang preliminary investigation kay Ramona matapos humingi ng 10-araw na palugit ang kanyang abogado para makapagsumite ng counter affidavit ang kanyang kliyente.

Sinabi ng tagausig na kapag hindi nakapagsumite ng kanyang counter affidavit si Ramona  o magsumite man ang kanyang abogado subalit hindi naman nasumpaan ay maglalabas na siya ng resolusyon.

Sa panayam naman ng mamamahayag kay Atty. Manzanal, sinabi niya na wala pa siyang natatanggap na counter affidavit mula kay Ramona dahil mula nang lumabas ito ng bansa ay hindi na siya nagkaroon ng pagkakataon na makausap ang kliyente.

Umaasa pa rin ang abogado na hanggang bukas ng umaga ay magpapadala ng kanyang affidavit si Ramona bagama’t kahit hindi aniya ito magpadala ay pupunta pa rin siya sa prosecutors office upang magbigay ng paliwanag.

Idinugtong pa ni Manzanal na ipauubaya na lamang niya sa tagausig kung isasampa sa korte ang kaso sa oras na hindi makapagsumite ang kanyang kliyente ng affidavit.

Kaugnay nito’y inihayag na ng pulisya na isusumite na ng Task Force Ramgen sa Prosecutors Office ang pagkakilanlan sa tunay na pangalan ng isa pang suspect na alyas Bryan na sangkot din sa pagpatay kay Ramgen.

Sinabi ni Chief Insp. Ferjen Torred,  hepe ng Intelligence Division ng Paranaque City Police na dadalo din sila sa gaganaping preliminary investigation kay Ramona sa tanggapan ni assistant prosecutor Leah Roma upang isumite ang tunay na katauhan ni Bryan.

Mahalaga aniya na malaman ng tagausig ang tunay na pagkakilanlan kay Bryan upang sa oras na maiakyat sa korte ang kaso ay makakapaglabas ng warrant of arrest kung saan nakasaad ang tunay na pangalan ng akusado.

Sinabi ni Torred, natukoy na nila kung saan nagtatago si Bryan subalit hindi nila ito puwedeng arestuhin hangga’t hindi pa nakakapaglabas ng warrant of arrest ang korte.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply