Presinto mistulang bahay ng pamilya ng opisyal

MINSAN ay nagawi ako sa likurang bahagi ng Batasan Police Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD) sa may Barangay Batasan at nagulat ako dahil may mga batang naglalaro rito.

Nagtanong-tanong ako sa mga police na naka-assign dito kung  sino ang mga batang naglalaro sa likuran ng presinto dahil napakaaga pa para gawing playground ang nasabing lugar.

Ayon sa mga pulis, ang mga batang naglalaro ay mga anak ng  kanilang hepe na si Superintendent Ronnie Montejo.

Sinasabing  ang  ikalawang palapag ng  presinto kung saan naroon ang tanggapan ni Supt. Montejo  at nasa harapan lang ng Batasan Complex ay hindi na raw napaki-kinabangan pa ng mga pulis dahil dito na  umano halos nakatira ang mga miyembro ng pamilya ng opisyal.

Sa pakikipag-usap ko sa ilang mga pulis  ay  napansin kong nagging emosyonal ang ilan sa kanila dahil  bigla na lang silang naglabas ng kanilang mga  sama ng loob sa kanilang hepe.

Ilan sa mga hinaing ng mga pulis ay ang malaking pagbabago sa  mga naging kaugalian ng mga naging hepe rito sa nasabing presinto katulad ng pagkain.

Kung dati-rati ay sagana raw ang pagkain ng mga pulis dito, ngayon ay binibigyan na lang sila ng mga stub ngunit  hindi lahat ng pulis ay nabibigyan dahil hanggang P1,000 lang ang pinapayagan ng opisyal.

Maging sa tubig na kanilang iniinom ay li-mitado raw sa isang container lang sa isang araw.

Sa dami ng pulis na nakatalaga  rito sa PS-6  ay baka hindi pa abutin ng isang oras ang isang container at ubos na ang  tubig.

Maging ang mga lingguhang intelihensiya ay personal na umanong ibinibigay  ng mga iligalista, mga vendor at ng iba pang nagbibigay ng mga “parating” sa hepeng si Col. Montejo.

Isang pulis na lalaki na nagngangalang  “Jordan” ang umano’y tagangatngat ni Col. Montejo, at dahil sa kapatid sa isang maimpluwensiyang relihiyon ay parang naging sunud-sunuran naman ang opisyal kay Jordan.

Ang suwerte naman talaga ng ilan sa ating kapulisan lalo na ang mga opisyal na tulad nitong si Col. Montejo.

Biruin mo namang libre na ang tirahan, tubig, kuryente, pagkain, may mga utusan pa at guwardiyang pulis at higit sa lahat ay may mga parating pang lingguhan mula sa mga  iligal.

Col. Montejo, Sir, huwag naman kayong suwapang at  sugapa sa biyayang inyong tinatamasa riyan  dahil hindi lang naman para sa inyo at sa pamilya mo yang mga dumarating na “gracia” riyan kundi para sa lahat ng mga nagpapakahirap at nagsisilbing pulis na nakatalaga sa PS-6.

Mamahagi naman kayo sa mga nagtitiis na tauhan ninyo.

Sige, kayo rin, alalahanin ninyo, Col. Montejo, ang bilis na ngayong dumarating ang karma.

At kung tumama ang karma ay gayun na lamang kasakit.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply