Luha bumuhos sa libing ni Ramgen Revilla

INIHATID na kanina sa huling hantungan ang napaslang na kapatid sa ama ni Senator Ramon “Bong Revilla, Jr. na si Ramgen Jose Bautista-Revilla sa Angelus Eternal Garden na pag-aari ng pamilya Revilla kung saan bumuhos ang luha sa pagdadalamhati ng pamilya sa Imus, Cavite,

Dinaluhan ng kanyang mga kapatid, malalapit na kaanak, kaibigan at mga kilalang personalidad sa pulitika at showbiz ang libing ni Ramgen, habang hindi naman humiling ang kapatid niyang si Ramon Joseph“RJ” Bautista-Revilla na itinuturong utak sa pagpaslang sa pulisya na masilip man lamang ang bangkay ng kapatid.

Bago ang libing, nagpasalamat ang ina ni Ramgen na si Genalyn sa mga nakiramay sa kanilang pagdadalamhati, kasabay ng pahayag na hindi siya naniniwala na magagawa ng kanyang mga anak na sina RJ,18 at Ma. Ramona Belen, 20, ang ibinibintang na sangkot sila sa krimen.

Sinabi ni Genalyn na walang P200,000 na umano’y ibinayad sa mga salarin ang kanyang anak na si RJ at maging si Ramona kaya’t kinakailangang busisiing mabuti ng mga awtoridad ang kredibilidad ng kanilang testigo.

Nauna rito’y inihayag na ni Chief Insp. Enrique Sy, pinuno ng binuong Task Force Ramgen na itinigil na nila ang pagtugis sa mga nakakalaya pang suspek na sina Ramona, Norwin dela Cruz at kalive-in na si Glaiza Vista at isang alyas Bryan dahil nasa ilalim na ng kapangyarihan ng piskalya ang kaso at hihintayin na lamang nilang magbaba ng warrant of arrest ang korte bago nila ituloy ang pagtugis sa mga suspek.

Lumilitaw naman sa paunang imbestigasyon na posibleng alitan sa hatian ng ibinibigay na buwanang allowance ng ama ng nasawi na si dating Senator Ramon Revilla, Sr., ang ugat ng nasabing krimen matapos mapag-alaman na ang biktima bilang siyang panganay ang tumatanggap ng salapi.

Kahapon (Nobyembre 1) ay muling nanawagan si Senator Bong Revilla sa mga awtoridad na laliman pa ang imbestigasyon sa paniniwalang hindi magagawa ng kanyang mga kapatid sa ama ang akusasyon.

Gayunman, tiniyak ng senador na hahayaan niyang gumulong ang hustisya kung talagang mapapatunayan na sangkot nga sa krimen ang kanyang mga kapatid.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply