Ramona Bautista kakasuhan ng perjury

MATAPOS umamin sa publiko ni Maria Ramona Belen-Bautista na una na siyang nagsinungaling hinggil sa umano’y pag-kidnap sa kanya ng mga suspek na pumatay sa kanyang kapatid na si Ramgen Revilla, pinag-aaralan naman ng Las Piñas police na sampahan siya ng kasong perjury.

Nabatid kay S/Supt. Romulo Sapitula, hepe ng Las Piñas City Police, inaalam na nila ngayon kung dapat kasuhan ng perjury si Ramona matapos magpahayag ito sa isang telebisyon na hindi siya dinukot ng mga suspek at hindi siya ibinaba sa Zapote Road na malapit sa Starmall sa nasabing lungsod.

Dagdag pa ni Sapitula, pagbabasehan umano nila ang sinumpaang salaysay ni Ramona nang magtungo sa kanilang tanggapan na sinabing dinukot siya ng mga pumatay sa kanyang kapatid noong Oktubre 28 ng gabi.

Ayon pa kay Sapitula, nagpunta umano sa kanyang opisina si Ramona kung saan siya ay nanumpa at pinirmahan ang isang pahinang salaysay nito na nagpapatotoong dinukot siya ng mga suspek at ibinaba sa lugar malapit sa starmall.

Samantala, sa kaugnay na balita, nanatili pa rin sa Asian Hospital and Medical Center ang kasintahan ng napaslang na si Ramgen Jose Bautista matapos itong barilin sa mukha ng isa sa mga ssupek na pumasok sa loob ng kanilang kuwarto sa BF Homes Parañaque City kamakailan.

Ayon kay Julius Manahan, ama ni Janelle, na nalampasan na ng kanyang anak ang panganib at nasa maayos na kalagayan na nito makaraang magtamo ng tama ng bala ng baril sa mukha

Si Janelle ay nasa isang private room ng nasabing pagamutan at ito’y nakakausap na at nakakilala na matapos itong sumailalim sa maselang kalagayan.

Sa isang mensaheng ipinadala ni Manahan, limitado na ang kanilang pagbibigay ng pahayag sa media upang bigyan ng proteksyon at siguruhin ang seguridad ng kanyang anak.

Kasalukuyan aniya ay hindi pa rin tanggap ni Janelle ang pagkawala ng kanyang nobyo na si Ramgen at nasaktan ito ng husto matapos mismo pang mga kapatid ng biktima ang may kagagawan ng pagpaslang kay Ramgen.

Pinayuhan din sila ng kanilang abogado na mas makabubuting umiwas muna sa pagbibigay komento sa nangyari at ipaubaya na lang sa mga awtoirdad ang lahat.

Sinabi pa ni Ginoong Manahan, sa Lunes (Nobyembre 7) ng alas-7:00 ng umaga ay muling isasailalim sa “restoration of facial fracture” si Janelle matapos magtamo ng tama ng bala at saksak sa mukha.

Ayon naman kay Senior Supt. Billy Beltran, hepe ng Paranaque City Police na mas hinigpitan nila ang seguridad ni Janelle habang ito’y nasa pagamutan.

Sinabi pa ni Beltran, lubhang mabigat ang pinagdadaanan ni Janelle ngunit mas kapani-paniwala ang mga isiniwalat nito kaya posibleng may magalit dito at humantong sa hindi magandang balakin.

Matatandaang si Janelle ay kasama ni Ramgen sa bahay nito sa BF Homes Parañaque nang barilin ng isang lalaking nakasuot ng Halloween mask noong Oktubre 28. (JAY Reyes)

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply