Ramona kakasuhan ng obstruction of justice

SASAMPAHAN ng kasong “obstruction of justice” ng Parañaque City police si Maria Ramona Bautista, na itinuturing isa sa mga utak sa pagpaslang sa kanyang nakakatandang kapatid na si Ramgen.

Inaasahang isasakatuparan ng kapulisan ng Parañaque ang pagsasampa ng kaso sa susunod na linggo.

Nabatid kay Chief Insp. Enrique Sy, hepe ng Task Force Ramgen, na tutuluyang kasuhan si Ramona dahil sa pagbibigay nito ng maling impormasyon sa Las Piñas City police hinggil sa pagpatay sa kanyang kapatid noong nakaraang Okubre 28 ng gabi sa loob ng kanilang bahay sa BF Homes sa Parañaque City.

Matatandaang pinasinungalingan ni Ramona ang kanyang unang salaysay, kung saan ay sinabi nito sa mga pulis ng Las Piñas City na dinukot siya ng mga pumaslang sa kanyang kuya.

Nagpaikot-ikot muna umano ang sasakyan na sinakyan nila bago siya ibinaba sa tapat ng Star Mall sa Zapote Rd. ng nasabing lungsod.

Dagdag pa ni Sy, nakapag-usap na sila ni Senior Supt. Romulo Sapitula, hepe ng Las Piñas police, hinggil sa gagawing pagsasampa ng kaso laban kay Ramona.

Ayon sa isang-pahinang salaysay ni Ramona, siya ay dinukot ng mga salarin matapos barilin at pagsasaksakin ang kanyang kapatid na si Ramgen at tangkang patayin ang kasintahan nito na si Janelle Manahan.

Ngunit matapos ang ilang araw matapos ang krimen ay biglang kumambiyo si Ramona at nagsabing nagsinugaling siya sa mga pulis at hindi siya dinukot.

Aniya, nataranta lang umano siya kaya niya ito sinabi sa mga tauhan ng kapulisan ng siyudad ng Las Piñas.

Nilinaw naman ni Sy na hindi maaaring perjury ang ikaso kay Ramona dahil hindi napanumpaan sa notary public o sa piskalya ang ibinigay niyang unang salaysay.

Samantala, sinabi naman ni Sapitula na ang Task Force Ramgen na lamang ang bahala sa pagsasampa ng kasong obstruction of justice laban kay Ramona.

Tatayo na lamang umano silang testigo na magpapatunay na nagtungo sa kanilang himpilan at nagbigay ng pahayag hinggil sa pagdukot at pagbaba sa kanya ng mga suspek.

Kaugnay ng kaso, posible umanong makatakas na naman ang tatlo pang suspek sa pagpatay kay Ramgen dahil sa hindi pa naiaakyat ang kaso sa korte.

Ayon kay Parañaque City PNP chief Billy Beltran, hindi pa nakakasuhan sina Glaiza Vista, Norween dela Cruz at isang alyas “Bryan.”

Dahil dito, wala pa silang warrant of arrest para hulihin ang mga ito.

Wala rin umanong hold departure order (HDO) ang Bureau of Immigration laban sa tatlo kaya maaari silang umalis sa bansa tulad ni Ramona Revilla.

Aniya, mapera ang mga suspek kaya maaari silang magtago sa ibang bansa.

Sa hiwalay na report, sinabi naman ng family driver ng pamilya Bautista na si Nilo Cawit na wala siyang alam na alitan sa pagitan nina Ramgen at mga kapatid nito.

Ani Cawit, totoong nagkakatampuhan sila ngunit mababait ang magkakapatid na Bautista.

Nagtataka umano siya kung bakit sinabi ng personal assistant ni Ram na si Ronaldo Ancajas, na may sinabi siyang alam daw ni Genelyn Magsaysay ang pagpatay sa anak.

Nasa Baguio umano sila nang mangyari ang krimen at nalaman lamang umano nila ni Genelyn Magsaysay ang nangyari sa balita.

Maging si Magsaysay ay nagsabing nagtataka siya sa pahayag ng isa sa mga suspek na alam niya at ng kanyang mga anak ang planong pagpatay kay Ram.

Ani Magsaysay, mula nang madawit sina Maria Ramona at Ramon Joseph sa kaso ay hindi na sila nagkakasamang mag-ina.

Hindi na rin umano nila babalikan ang bahay sa Parañaque kung saan napatay si Ram.

Gayunman, inamin ni Genelyn na nalubog siya sa utang sa credit card na umabot sa halos P2 milyon dahil nabawasan ang kanilang budget.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply