Ramona nakapagsumite na ng counter affidavit

MATAPOS ang ilang linggong paghihintay, nakapagsumite na rin ngayon ng kanyang counter affidavit si Ramona Bautista, ang isa sa itinuturong utak sa pagpaslang sa kapatid ni Ramgen Revilla-Bautista.

Personal na dinala ng kanyang ina na si Genelyn Bautista sa Parañaque City Prosecutors Office ang photo copy ng naturang affidavit matapos na lagdaan at sumpaan ito sa consular office ng Pilipinas sa bansang Turkey.

Kasama ni Genelyn ang kanyang apat pang anak nang magtungo sa tanggapan ni Assistant City Prosecutor Leah Roma, pasado alas-2:00 ng hapon upang isumite ang counter-affidavit ng kanyang anak na kanila lamang nai-print matapos nilang matanggap sa pamamagitan ng e-mail.

Sinabi ni Genelyn na isusunod din nilang dalhin ang orihinal na affidavit ni Ramona sa susunod na pagdinig na itinakda sa Disyembre 2 at inuna lamang muna nilang i-print ang ini-email ng anak upang agad na maisumite nila ito sa itinakdang preliminary investigation ng piskalya.

Pagkasumite ng affidavit, humingi ng paumanhin at pang-unawa si Genelyn sa taumbayan ngunti muling nagpasaring sa umano’y malalaking tao na posibleng nasa likod ng pagkakadawit ng kanyang mga anak sa krimen at ang nakapagtataka aniyang sunod-sunod na paglutang ng mga testigo na tumutumbok sa kanyang mga anak bilang utak sa krimen.

Nagtataka rin si Genelyn kung bakit iginigiit ang hindi nila pagkakaunawaan ng kanyang napaslang na anak gayung wala naman aniya itong katotohanan dahil mahal na mahal aniya niya si Ramgen at maging ng kanyang mga kapatid kaya’t napaka-imposible ang sinasabi ng mga lumutang na testigo.

Naniniwala naman si Atty. Renecio Luke Espiritu, abogado ng biktimang si Janelle Manahan na malakas ang ebidensiya na may nangyaring sabwatan batay sa mga testimonya ng mga naarestong suspek.

Sinabi ni Espiritu na magsusumite rin sila ng salaysay ng kanilang kliyente sa mga susunod na araw bagama’t kailangan aniyang mabasa at mapag-aralan nila ang isinumiteng counter affidavit ni Ramona, pati na ng testimonya ng iba pang testigo.

Sa panig naman ng isa pang abogado ni Manahan na si Atty. Argie Guevarra, sinabi niya na bumabalangkas na sila ng kaukulang hakbang upang mapauwi sa bansa si Ramona sa oras na maisampa sa korte ang kaso

Kabilang aniya rito ang kahilingan sa Department of Foreign Affairs (DFA) na makansela ang kanyang pasaporte upang maituring siyang illegal alien sa bansang kanyang pupuntahan. Sa oras aniyang makansela ang pasaporte ni Ramona, pababalikin o ide-deport ito pabalik sa Pilipinas ng bansang kanyang patutunguhan.

Kaugnay nito, hindi pa rin ikinukunsidera ng Task Force Ramgen bilang suspek ang isa pang kapatid na babae ni Ramgen na si Gail sa kabila ng pagdadawit dito ng sumukong suspek na si Glaiza Visda.

Ayon kay Chief Insp. Ferjen Torred, Intelligence chief ng Parañaque City police, pawang mga “hearsay” lamang ang mga pahayag ni Visda sa kanyang isinumiteng affidavit sa Parañaque City Prosecutors Office na kanya lamang narinig sa isa pang suspek na si Ryan Pastera alyas Bryan kung saan idinadawit, hindi lamang si Gail kundi maging sina Princess at Senator Bong Revilla, Jr.

Wala aniyang personal na kaalaman si Visda para idawit ang isa pang kapatid ng napaslang dahil narinig lamang niya ang pangalan ni Gail batay sa pag-uusap nila ni Pastera na kasama niya sa kinaaanibang fraternity.

Maging ang sinasabing ipinapapatay na umano ni Gail sina Roy Francis Tolisora, mag-amang Michael at Mario Nartea at Ruel Puzon alyas Cacho dahil may alam na sila sa plano ay maituturing din aniyang hearsay dahil narinig lamang ito ni Visda kay Pastera at hindi siya mismo ang sinabihan nito.

Dahil dito, sinabi ni Torred na itinuturing pa rin nilang suspek si Visda habang sinusuri pa rin nila ang affidavit ng kalive-in nitong si Norwin lalu na’t sabit lang ito sa mga lakaran at gimikan ng mga barkada ng kinakasama.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply