Reklamo sa mga doktor sa PNP hospital

KUNG dati-rati ay pawang mga text message ang natatanggap natin mula sa mga mambabasa ng sikat nating pahayagang Remate noong Biyernes ay tawag na mula sa isang pulis ang umabala sa aking paghahanda para sa ika-7 taon ng aking bunsong anak.

Hindi ko sana masyadong bibigyan ng atensyon ang tumawag dahil nga nagmamadali na ako para maipagdiwang ang kaarawan ni Santi, ang aking anak.

Subalit dahil sa puro buntong hininga, mura at galit ang nasa dibdib ng tumawag na pulis ay binigyan ko ito ng pansin.

Lima ang aking anak kaya’t bilang magulang ay ramdam ko ang emosyon na nararamdaman ng pulis para sa kanyang dalawang anak na kapwa naka-confine sa Philippine National Police General Hospital sa Camp Crame, Quezon City.

Anang pulis, kitang-kita niya sa mata at katawan ng kanyang mga anak, edad 2 at 6 na buwan, na dehydrated na ang mga ito subalit hindi pa rin kumikilos ang mga nurse dahil walang magsabi sa kanilang doktor.

Sa madaling salita, walang mga doktor na naka-duty sa nasabing ospital.

May mga nakatalang pangalan ng mga manggagamot na dapat sana ay naka-duty, nagra-round sa mga pasyente at nagbibigay lunas sa mga sakit ng mga pasyente subalit pawang wala ang mga ito dahil nga may kanya-kanyang trabaho o klinika na kanilang hinaharap din.

Dapat sigurong paimbestigahan ito ni PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome para hindi naman mawalan ng tiwala ang mga pulis sa kasamahan nilang nakatalaga sa mga ospital.

Dapat mabatid ng mga pulis na ito na pawang nakapasok sa PNP dahil sa kanilang natapos na sinusuwelduhan sila para magsilbi at hindi yang magkaroon ng double compensation.

Hindi lang sa mga nakatalaga sa PNP Hospital ito dapat gawin ni Bartolome subalit sa lahat ng unit o division ng PNP na may mga pulis at empleyado na pawang may sideline o nag-mu-moonlight upang kumita ng doble. (ITUTULOY)

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply