Ruffy Biazon, yes sa trabaho, no sa pulitika

PINAWI ni Bureau of Customs Comm. Rufino ‘Ruffy’ Biazon ang espekulasyon na “pansamantala” lang ang kanyang pananatili sa ahensiya habang naghahanda sa kanyang muling pagtakbo sa darating na halalan.

Sa eksklusibong panayam, sinabi ni Biazon na “nakatutok” lang ang kanyang atensyon at panahon sa kanyang trabaho at balak niyang manatili sa puwesto hangga’t hindi siya inaalis ni Pangulong Noynoy Aquino.

“I have set aside my political plans…I intend to stay for as long as ‘masaya’ si presidente (Aquino) sa aking trabaho,” ani Biazon.

Aniya pa, sinusunod din niya ang payo ng kanyang ama, si dating senador Rodolfo ‘Pong’ Biazon, na alisin ang iba pang konsiderasyon sa hinaharap at tutukan na lang ang kanyang trabaho.

“Naka-focus ako sa trabaho. Kung hindi maganda ang trabaho ko, chances are, hindi ako ma-elect. Sabi nga ng tatay ko, ‘do well, this (customs commissioner) will ‘make’ or ‘break’ you.”

Nagpalit ng tinakbuhang posisyon ang mag-ama noong 2010 elections bilang kandidato ng Liberal Party ni Pangulong Aquino, kung saan tumakbong kandidato bilang kongresista si Pong Biazon kapalit ng kanyang anak na si Ruffy.

Bagaman madaling nanalo ang nakatatandang Biazon, nabigo naman si Ruffy na palitan ang kanyang ama sa Senado.

Noong isang linggo, kinumpirma ng BOC chief na naging bisita niya ang kanyang ama kung saan isa sa napag-usapan nila ay ang mga plano niyang reporma sa ahensiya, partikular sa kapakanan ng mga empleyado.

Ani Biazon, “makatutulong” sa mga empleyado ang panukala niyang pagbabago sa batas.

Tiniyak din niya sa mga empleyado na magtatagal pa siya sa puwesto upang personal na tutukan ang kanyang mga plano na may kinalaman sa kanilang mga benepisyo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply