Sa wakas nakatagpo si Manny ng katapat

UMANI ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga miron ang kontrobersyal na pagkapanalo ni Manny Pacquiao laban kay Juan Manuel Marquez noong Sabado ng gabi (Linggo sa Maynila) sa Las Vegas, Nevada.

Nanalo si Manny (by a majority decision) at napanatili ang hawak nito sa World Boxing Organization welterweigth title.

Marami ang naniniwalang panalo nga ang Pambansang Kamao kung ikukumpara ang dami ng kanyang mga suntok na dumapo sa mukha at katawan ni Marquez at sa dami rin ng suntok ng huli na tumama kay Pacquiao.

May nagsasabi namang tabla ang laban dahil sa alinman sa dalawa ay hindi nakapagpakita ng tiyak na pagkapanalo. Nagmukhang panalo lang si Marquez dahil sa mas maganda ang ipinakita niyang laban kung ikukumpara sa mga dating tinalo ni Pacman.

Ngunit sa ilang nakapanood, talo si Pacquiao dahil wala siyang ipinakitang pagdomina sa kalaban na katulad noong mga nagdaang tinalo niya sa ibabaw ng ring. Ang napanood di umano nila ay hindi ang dating Pacquiao na iniidolo at hinahangaan ng buong mundo.

Noong linggo, marami ang nakapuna ng pagkatulala at matinding kalungkutan ni Pacman matapos ang laban. Ni hindi pa nga siya nagtaas ng mga kamay bilang pag-angkin sa pagkapanalo sa dulo ng laban.

Ang ipinakita ni Pacquiao sa ibabaw ng parisukat na lona ay hindi pagkalaos kundi simpleng kawalan niya ng sigla, liksi at lakas bunga marahil ng kanyang maraming ibang mga pinagkakaabalahan na tulad ng pagkahumaling sa pulitika, pag-aartista, pagkanta, pagkakasino, pagsasabong at iba pang mga bisyo.

Sa ganang amin, hinihingi ng pagkakataon at ng pangyayari ang muling paglalaban ng dalawa sa ikaapat na pagkakataon sa loob ng lalong madaling panahon upang malaman kung sino ang sino sa kanila.

oOo

MULING binanatan ng Pangulong Noynoy Aquino kamakailan ang kanyang mga kritiko “na imbes na makipagtulungan sa pamahalaan sa pagtataguyod ng mga programang pangkabuhayan’’ ay sila pa umano ang humahadlang dito.

Bagamat walang binanggit na partikular na grupo ang Pangulo, pakiramdam ng media ay sila ang tinutukoy ng Pangulo na “bahagi ng problema’’ ng bansa. Ang paghambalos ng Presidente sa kanyang mga kritiko ay ipinahihintulot ng malayang pamamahayag. Esensiya o kakanyahan ito ng demokrasiya.

Gaya ng inaasahan ay nagluwa ng apoy ang ilang kolumnista sa Presidente kasabay ng pagsasabing humahanap  lang di umano ng masisisi ang Pangulo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply