Sarah biglang naluha sa presscon ng movie nila ni Gerald (buhkit?)

BAKIT kaya biglang naluha si Sarah Geronimo nung bandang dulo ng press conference nila ni Gerald Anderson kamakailan para sa pelikula nilang “Won’t Last a Day Without You.”

Dahil kaya pinandilatan siya ng ina n’yang nakaupo halos sa harapan n’ya sa Dolphy Theater ng ABS-CBN kung saan ginanap ng press-con? Pinandilatan siya dahil parang nahuhulog for real ang loob n’ya kay Gerald?

Nung simula ng presscon, may ilang showbiz reporters na pinansin ang parang natural na kay Sarah na kumapit sa braso ni Gerald o humilig nang bahagya sa aktor. Pero idinepensa naman ni Sarah ang sarili n’ya sa malambing at masayang pagsasabi na “promo-promo” lang naman ang lahat. Naki-ride on naman si Gerald sa ekspresyon ni Sarah na “promo-promo.”

At one point in the press-con, nagmistulang naglalambingan pa yung dalawa nang sabihin ni Sarah na nung unang gumawa sila ng pelikula (yung Catch Me, I’m In Love), hindi sila naging malapit dahil hindi naman daw siya kinakausap ni Gerald. Agad namang sumagot si Gerald na si Sarah nga ang di kumakausap sa kanya.

Anyway, sa parte ni Gerald, bago natapos ang press-con ay nabanggit n’yang si Sarah ang babaeng pinakamalapit sa kanya ngayon. Binigyang-diin din n’ya na madali namang mahalin si Sarah kahit na alam n’yang hindi pa handa ang singer-actress na makipagrelasyon. (Pero di kaya ang ibig sabihin ni Gerald ay hindi pa handang pumayag ang ina ni Sarah na makipagrelasyon ito kanino man?)

Hindi na nagkaroon ng chance ang press na tanungin siya kung bakit bigla siyang naluha dahil nga biglang tinapos ang press-con. Maggi-guest pa raw kasi sa Entertainment Live yung dalawa. May feeling kaming kung mabibigyan ng pagkakataon, pwede talagang ma-develop sa isa’t isa sina Sarah at Gerald.

Sa November 30 nakatakdang magsimulang ipalabas ang Won’t Last a Day Without You bagama’t nung araw ng press-con ay di pa pala sila tapos magsyuting. Baka madalang silang makapagsyuting dahil busy rin naman si Gerald sa pagti-taping n’ya ng teleserye n’yang “Budoy,” kung saan gumaganap siyang isang retarded.

Ang Won’t Last a Day Without You ay sa direksyon ng baguhang si Raz de la Torre na nung press-con ay di namin ma-figure out kung bading o hindi. Co-production uli ito ng Star Cinema at Viva Entertainment, gaya rin ng “No Other Woman” at “Praybeyt Benjamin.”

***

GAGANAP pala si Nadia Montenegro sa isang gay indie film na ang titulo ay Pikit Mata. Mabuti naman at may iba siyang pagkakaabalahan bukod sa pakikipagdemandahan at pakikipagsagutan kay Annabelle Rama, pati na sa pag-aasikaso sa mga anak n’yang pinag-aartista na rin n’ya. (At siguro nanan ay inaasikaso pa rin n’ya hanggang ngayon ang mister n’yang mistulang lolo na n’ya, ang dating pulitikong si Boy Asistio na naging “mister” din ng mga dating aktres na sina Djhoana Garcia at Veronica Jones na ate ni Jaclyn Jose.)

Pikit Mata ang titulo ng gay indie film na lalabasan ni Nadia. Si Romano Vasquez ang nagbalita sa amin nito. Kasali siya sa pelikula bilang isang callboy. Sina Ronald Carballo at Arman Reyes ang magdidirek ng pelikula na isasali umano sa mga international film festival. Mga bata at baguhang artista ang gaganap na mga callboy at bading. Ayon sa pagkaalam ni Romano ay nagpa-audition sina Ronald at Arman para sa maraming roles sa pelikula, at nung nakapili na ay pinag-workshop sila kasama ang iba pang mga datihang artista na kinuha ng produksyon nang wala ng audition.

Kabilang sa mga datihan ng artista na nasa cast din ay ang stage actor na si RS Francisco. May pag-aari pala si RS na rehearsal studio sa T. Morato Avenue, QC at du’n ginanap ang workshop ng cast ng Pikit Mata.

Samantala, natutuwa si Romano na sumisigla na uli ang kanyang showbiz career. Nagkaroon din siya ng maikli pero markadong role sa Kokak ng GMA-7, at nagtatampok kay Sarah Labati sa title role. Siya ang would-be rapist ni Sarah na nadapa at tumama sa matalim na bato ang katawan at namatay. Actually, natakot yung character ni Romano dahil biglang naging palaka si Sarah, kaya’t nagtatakbo siya at nadapa sa kung ano’ng matulis na bagay na siya n’yang ikinamatay. Pero ang akala ng taumbayan ay pinatay siya ni Sarah.

Miyembro nga pala si Romano ng New Thought Group na Temple of Prayer, Peace, and Prosperity na pinamumunuan ni George Sison. Ito ay isang spiritual and mindpower development center na ang layunin ay makatulong sa pagbabagong buhay at pagkatupad ng mga pangarap ng isang tao ano man ang kanyang relihiyon at political affiliation.

Tuwing Linggo ng hapon idinaraos ang mga aktibidad nila sa function room ng Old Swiss Inn restaurant sa Makati Avenue sa Makati. Naniniwala si Romano na ang mga prinsipyong New Thought na natutunan n’ya ang patuloy na nagpapasigla sa kanyang pribadong buhay at sa kanyang showbiz career.

Open sa public ang mga pag-aaral at diskusyon ng grupo, ayon pa sa aktor. Ang mga interesado ay pwedeng tumawag sa 6592192 para sa iba pang detalye.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply