SC di naglabas ng TRO vs DOJ-Comelec panel

HINDI nakapaglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) o status quo ante order ang Korte
Suprema sa mga petisyong kumukwestyon sa legalidad ng joint panel ng Department of Justice (DOJ) at Commission on Elections (Comelec) na nag-imbestiga sa umano’y dayaan noong 2007 elections.

Ang inaasam-asam na TRO ay kaugnay sa inihaing magkakahiwalay na petisyon nina dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, asawang si dating First Gentleman Mike Arroyo at si dating Comelec Chairman Benjamin Abalos sa Korte Suprema para ipawalang-bisa ang lahat ng proceedings ng joint panel kabilang na ang pagsasampa ng kasong electoral sabotage laban sa dating pangulo na humantong sa pagkakaaresto nito.

Hindi muna niresolba ang petisyong ideklarang unconstitutional ang DOJ-Comelec panel at sa halip ay binigyan ang mga resopondent na limang araw upang maghain ng kanilang komento.

Sinabi ni Atty. Midas Marquez, tagapagsalita ng SC, na itinakda naman ang oral argument sa Martes, Nobyembre 29.

Ayon pa kay Marquez, nais munang makita ng SC ang komento ng mga respondents bago magpalabas ng resolusyon pagkatapos ng oral argument.

Nagdesisyon naman ang mga mahistrado sa botong 10-4 na pag-isahin na lamang ang mga petisyon ng mag-asawang Arroyo at Abalos.

Paliwanag pa ni Marquez, hindi ibabalik ang kaso sa Pasay City Regional Trial Court (RTC) na siyang dumidinig sa electoral sabotage case.

Dahil dito, ang mga personalidad aniyang hindi pa nakakasuhan ng DOJ-Comelec panel ay puwedeng kasuhan sa Pasay RTC.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply