Senators tulala sa P.8-M ‘sabaw’ sa LEDAC

TULALA ang ilang senador matapos malaman na halos P1 milyon ang ginastos sa pagpupulong ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa Malakanyang noong Agosto 16.

Sa deliberasyon ng P2 milyong budget ng LEDAC para sa 2012, inamin ni Sen. Ralph Recto na gumastos ng P 860,000 ang miting ng LEDAC sa Malakanyang nitong Agosto.

Halos hindi naman makapaniwala ang ilang senador sa kanilang narinig kung kaya muli nilang inusisa si Recto kung tama ang binanggit nitong P860,000 ang ginastos sa huling LEDAC meeting.

“That’s how it appears,”ani Recto.

Nagtanong tuloy si Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada kung ano-anong pagkain ang inubos ng mga imbitadong senador at kongresista sa naturang miting at umabot sa halos isang milyon ang ginastos sa naturang pagpupulong.

Sa pagkakaalala naman ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III na dumalo sa naturang LEDAC meeting sa Malakanyang, sabaw at isda lamang ang ulam na inihain sa pananghalian.

“Talo nga yung turon ni de Venecia. Di ba noong panahon ni (dating) Speaker (Jose) de Venecia sa House (of Representatives), milyon yung turon? Talo dito isang miting lang ng LEDAC P 800,000 sabaw at isda pa lang haha,” pagbibiro pa ni Sotto.

Sa kabila na nakamamanghang gastos ng LEDAC, inaprubahan pa rin ng Senado ang panukalang budget nila para sa susunod na taon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply