Simpatiya ng publiko makukuha ni GMA– Colmenares

LUMALABAS na kontrabida ang administrasyong Aquino sa mata ng publiko matapos na ibasura ang kahilingan ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na makapagpagamot sa ibang bansa.

Ito ang pananaw ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares dahil nagmumukha aniyang “underdog” si Gng. Arroyo dahil sa kabila ng pakiusap ng kaniyang kampo na payagang makapagpagamot sa ibang bansa ay hindi ito pinagbigyan kahit na may mga rekomendasyon na mula sa mga manggagamot.

Paliwanag pa ni Colmenares sa Lingguhang Balitaan sa Serye na “wrong tactic” ito ni Pangulong Aquino dahil matatandaan na nangako ang Pangulo sa taumbayan na mapapanagot ang dating Pangulo bago mag-Pasko subalit Nobyembre na ay wala pa rin umanong kasong naisasampa sa korte.

Dahil dito, tinawag ni Colmenares si Pangulong Aquino na “undecisive cono” dahil sa palagi na lamang itong humihingi ng payo at hindi makapag-desisyong mag-isa.

Bagama’t kilalang kalaban ni Gng. Arroyo, aminado si Colmenares na labag sa Konstitusyon ang ginagawang pagpigil sa dating Pangulo na lumabas ng bansa upang makapagpagamot.

Pinayuhan din ni Colmenares ni Justice Secretary Leila de Lima na agad na magsampa ng kaso sa korte upang ito na ang maglabas ng hold departure order para kay Gng Arroyo kung kinakailangan nang sa gayun ay maging ligal ang pagpigil sa mambabatas at dumaan sa tamang proseso.

Kaugnay nito, tinutulan ni Colmenares ang alok ng gobyerno sa kampo ni Gng. Arroyo na ito na ang gagastos upang makakuha ng magaling na doktor para sa dating Pangulo upang hindi na ito makapagbiyahe.

Giit ng kongresista na kahit may pondo ang gobyerno ay hindi pa rin marapat na gugulin ito sa mga ganitong pagpapagamot dahil maaari aniya itong gamitin sa mga mahihirap na Filipino.

Naniniwala din si Colmenares na papaboran ng Korte Suprema si Gng. Arroyo at hindi magpapalabas ng temporary restraining order kundi sa halip ay reresolbahin na lamang nito ang legalidad ng DOJ Circular 41 na siyang basehan ni De Lima sa hindi nito magpayag na makapagpagamot sa ibang bansa ang dating Pangulo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply