Social pension ng mga indigent senior inilabas na

AABOT sa P625,320,000 ang inilabas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa social pension ng mga mahihirap na senior citizen o nakatatandang mamamayan sa lahat ng rehiyon.

Sa huling tala ay mayroong 107,431 na senior citizen o 77 porsiyento sa kabuuang 138,960 na benipisyaryo nitong taong 2011 ang kasalukuyang tumatanggap ng P500 na buwanang social pension mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD.

Ang pagkakaloob ng social pension sa mga maralitang mamamayang nakatatanda ay nakasaad sa Republic Act 9994 na kilala rin sa tawag na Expanded Senior Citizens Act (ESCA) of 2010.

Nakasaad sa RA 9994 na binibigyan prayoridad ang mga mahihirap na senior citizens na mahihina, sakitin, may kapansanan, walang regular na kinikita, hindi tumatanggap ng suporta mula sa sinumang miyembro ng kaniyang pamilya at hindi tumatanggap ng pensiyon o anumang benipisyo mula sa pamahalaan at mga pribadong ahensiya.

Ang mga benipisyaryo ng social pension ay tukoy ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) at may edad na 77 pataas.

Ayon sa DSWD, ang mga kuwalipikadong senior citizen na hindi pa natukoy ay maaaring maipalit sa mga tinanggal dahil sa hindi kuwalipikado, namatay o kaya’y lumipat ng tirahan.

Sinabi ni DSWD Secretary Juliano Corazon Soliman na umaasa sila na sa taong 2012 ay mas maraming mahihirap na senior citizen ang mabibigyan ng P500 buwanang social pension.

Kasama sa panukalang budget ng DSWD ang halagang P1.2 bilyon para sa benipisyo ng abot sa 185,914 na maralitang senior citizen kung saan 46,954 ang karagdagan sa kasalukuyang bilang ng benipisyaryo. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply