SPD: ‘Authentic’ ang mug shots ni GMA na lumabas sa dyaryo

MARIING pinatotohanan ni Southern Police District (SPD) Chief, Senior Superintendent James Bucayu, na “authentic” ang mug shots ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na lumabas ngayon sa isang pahayagan.

Sinabi ni Bucayu na totoo at hindi pineke ang naturang mga larawan, bagama’t nagtataka aniya sila kung paano nagkaroon ng kopya ng mug shots ang Philippine Daily Inquirer.

Kuwento ni Bucayu, matapos masilbihan ng warrant of arrest si Ginang Arroyo noong Biyernes, agad nagkaroon ng ‘booking’ para sa fingerprint at mug shot-taking ng dating Pangulo.

Bagama’t may kasama ang SPD na sariling photographer, napagkasunduan na ipaubaya na lamang sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pagsasagawa ng proseso dahil may kasama rin naman itong photographer.

Ito ay upang hindi na aniya sila magkagulo at makadagdag pa sa pagsisikip sa loob ng kwarto ng dating Pangulo sa ospital.

Ayon kay Bucayu, kumuha na lamang sila ng kopya ng mug shots sa CIDG pero mahigpit aniya ang kanyang naging tagubilin hinggil sa mga nanghihingi pa ng kopya nito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply