St. Luke’s nilusob ng militanteng grupo

KINONDENA ng mga militanteng grupo ang patuloy na pananatili ni dating pangulo, ngayon ay Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig City makaraang sugurin ng grupo ang nasabing ospital kanina.

Nagulat na lamang ang mga nakatalagang security personnel at ilang mga pulis nang biglang maglabas ng kanilang placards at magsisigaw ang mga militanteng grupo na unang nagpanggap na magtutungo lamang sa naturang pagamutan.

Nakasaad sa placards ng mga militante ang katagang, “Gloria sa Correctional hindi sa Hospital at Gloria Ikulong!”

Sinisi ng mga nagpo-protesta ang desisyon ng pulisya na ibigay kaagad kay Gng. Arroyo ang “hospital arrest” habang hindi naman ito pormal na hiniling ng mga abogado nito.

Dapat umano ay idiniretso agad ang dating Pangulo sa angkop na detention center kasama ang ilang mga bilanggo.

Ayon kay Dr. Beng Rivera ng Health Alliance for Democracy (HEAD), hindi dapat bigyan ng anumang special treatment ang dating pangulo sa pagkakasangkot sa electoral sabotage noong 2007.

Giit pa ni Angie Ipong ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA), dapat na mailipat na sa kulungan ang dating pangulo at maranasan ang makulong ng ilang taon.

Samantala, sinabi ni Sr. Supt. Tomas Apolinario, hepe ng Taguig Police, na ito ang unang beses na nakalusot ang mga militante at tiniyak niyang hindi na mauulit liban na lang kung may permiso mula sa City Mayor’s Office.

Kaugnay nito,  tiniyak naman kahapon ni Atty. Ferdinand Topacio na maghahain sila bukas ng umaga ng agarang mosyon para sa temporary restraining order (TRO) at kahilingan sa Korte Suprema na suspendihin ang anomang hakbangin na isasagawa ng Pasay City Regional Trial Court sa kasong Electoral Sabotage laban sa dating pangulo.

Iginiit pa ni Topacio na sa kabila ng napakaraming suporta na bumubuhos ngayon kay Gng. Arroyo, hinimok nila ang iba’t-ibang grupo na iwasan na lamang magsagawa ng anomang uri ng kilos protesta na magiging dahilan ng kaguluhan.

Sinabi ni Topacio na mas makabubuting ipagdasal na lamang ang kapalaran ng dating pangulo, dahil hindi aniya nais ng kongresista ng Pampanga na muling humantong sa karahasan ang pagsasalpukan ng magkabilang panig.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply