Tatanggap ng P.5-M sa Ramgen slay tinukoy na

NAGPADALA na ng rekomendasyon ang “Task Force Ramgen” kay Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo kung sino-sino ang mga dapat makatanggap ng kalahating milyong pisong pabuya na ipinagkaloob ni Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. para sa mga makapagtuturo sa mga pumaslang kay Ramgen Revilla.

Ayon kay Chief Insp. Enrique Sy, hepe ng binuong task force, nanguna sa listahan ng mga dapat tumanggap ng pabuya ang testigong si Ruel Puzon na unang lumantad at boluntaryong nagbigay ng impormasyon na naging dahilan ng pagkakadakip sa mga nasasangkot sa krimen.

Bukod kay Puzon, isinama rin ng task force sa kanilang rekomendasyon na mabiyayaan ng pabuya ang iba pang testigo na sina Ronaldo Ancajas na personal assistant ni Ramgen, Lloyd Comeda alyas Lim at dalawa pang security guard ng BF Subdivision.

Tumanggi naman si Sy na banggitin kung magkano ang tatanggapin ng bawa’t isa bagama’t ipinahiwatig niya na ang ilan sa mga ito ay tumanggap na ng bahagi ng pabuya.

Tiniyak naman ni Sy na ang lahat ng kanilang testigo ay handang humarap sa preliminary investigation ng piskalya hanggang sa pagharap sa korte sa mga araw ng paglilitis matapos silang magbigay ng sinumpaang salaysay.

Kaugnay nito, inihayag naman ng abogado ni Janelle Manahan na nakahanda na itong magbigay ng sinumpaang salaysay sa piskalya sa Biyernes na sasalungat sa mga pahayag ni Ramona at magiging daan din sa pagkakakilanlan ng pumatay sa kanyang kasintahang si Ramgen.

Ayon kay Atty. Argee Guevarra, isa sa mga abogado ni Manahan, lumalabas sa kanilang teorya na ang lumubhang alitan ng pamilya ng napaslang ang dahilan ng naganap na krimen.

Inaasahan din na isusumite na bukas ng ina ni Ma. Ramona Belen Bautista na si Genelyn ang orihinal na counter affidavit na kanyang sinumpaan sa konsulado ng bansa sa Turkey matapos na maipadala sa pamamagitan ng e-mail ang photo copy ng kanyang affidavit.

Nasa isang safehouse na si Manahan at binibigyan ng sapat na seguridad habang nakabimbin pa ang apela ng kanyang mga abogado na isailalim ang kanilang kliyente sa Witness Protection Program.

Sinabi ni Guevarra na bukas ay hihingi na rin sila ng kaukulang endorsement kay Assistant City Prosecutor Leah Roma para maging matibay ang kanilang kahilingan kay Justice Secretary Leila De Lima kaugnay sa pagsasailalim sa WPP ng kanilang kliyente.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply