Testimonya ni Ramona Bautista ‘kaduda-duda’

MARIING ipinahayag ngayon ng Parañaque police na “inconsistent” at hindi kapani-paniwala ang testimonya ni Ramona “Mara” Bautista, sa kanyang pagkakasangkot sa pagpatay sa kanyang kapatid na si Ramgen “Ram” Revilla.

Ipinaliwanag ni Parañaque Police Intelligence Unit head C/Insp. Fergen Torred, na hindi nagtutugma ang mga statement ni Ramona sa isa sa kanilang pangunahing testigo — ang survivor na si Janelle Manahan, girlfriend ni Ram.

Kung maaalala, sa unang kuwento ni Ramona ay tinangay din siya ng suspek at basta na lamang iniwan sa isang mall sa Las Piñas.

Samantala, idinetalye ng Task Force Ramgen ang ilan pang resulta ng kanilang imbestigasyon kasunod na rin ng pagkwestyon ng mga Revilla na hindi magagawa ng magkapatid na sina Ramona, 20, at Ramon Joseph “RJ” Bautista, 18, ang pagpatay kay Ram, 22.

Pinanindigan ni C/Insp. Enrique Sy, ang pinuno ng task force na kabilang din sa kanilang testigo ay ang production assistant ni Ram na si Ronaldo.

Ayon kay Major Sy, nakita umano ni Ronaldo sa kanyang pagdungaw sa bintana noong Biyernes ng gabi matapos ang pagpatay kay Ram ang naglalakad na si Joseph, kasunod naman si Ramona patungo sa gate ng BF Homes Subdivision sa Parañaque.

Ang pahayag na ito ay pinatunayan din ng dalawang nakatayong guwardiya ng mga oras na ‘yon.

Inulit ng opisyal ang pangyayari na batay sa testimonya ni Manahan, matapos umanong kumatok si Ramona sa kuwarto para humiram ng video camera ay sinabi niya na naliligo si Ram sa bathroom.

Naiwan umano ni Ramona na nakabukas ang pintuan ng kuwarto na siya namang pagpasok ng isang nakamaskarang suspek na nakabukas ang pintuan.

Agad umanong binaril si Janelle ng dalawang beses. Dito na umano lumabas sa bathroom si Ramgen at sumigaw na “Sino ka! Gago ka.”

Aniya, sinundan na ito ng pagbaril ng suspek kay Ram.

Kuwento pa ni Janelle, sumigaw na rin si Ramona ng “Tama na, tama na.”

Inihayag naman ni Sy na sa paglabas ng gunman ay hindi sinaktan si Ramona.

Sa puntong ito, nakiusap daw si Janelle kay Ramona na humingi ng tulong para sa ambulansya at nang madala sa ospital si Ramgen.

Noong lumabas si Ramona ay eksaktong dudura naman sa bintana si Ronaldo at doon nakita ang magkasunod na papalayo na sina Ramon Joseph at Ramona.

Subalit aminado si Sy na hindi pa nila naestablisa kung saan na nagpunta ang gunman matapos ang pamamaril sa kuwarto.

Kaya naman isinagawa ngayong hapon ang case conference upang tipunin pa ang mga nakalap na dagdag na impormasyon at ebidensiya.

Muli namang iginiit ni Maj. Sy na legal ang kanilang pag-aresto kay RJ dahil ito ay bahagi ng “hot pursuit operations” at nakabase sa desisyon ng Supreme Court.

Sa inquest proceedings sa piskalya ay inulit ng naunang dalawang naaresto na hired killers na sina Michael Jay Cruz Altea at Roy Francis “Kiko” Tolisoro na kasama si Joseph sa pagplano noong October 12, 2011 at tatlong beses na pinagtangkaan na patayin si Ram.

At noong October 14 at October 17 ay nagsagawa ng surveillance ang mga suspek at ginawa rin ang pagkuha sa plaka ng kotse ni Ramgen.

Magugunita na kahapon ay emosyunal na hiniling ni Sen. Bong Revilla sa PNP na muling pag-aralan ang kaso, dahil hindi sila kumbinsido sa pagdidiin kina Joseph at Ramona na kapatid mismo ng biktimang si Ram.

Pero ayon kay Parañaque chief of police S/Supt. Billy Beltran, matibay ang kanilang mga testimonial evidence, lalo’t isa sa mga biktima na si Janelle ang nagtuturo sa naging papel ng mga suspek.

Pinagbasehan din umano nila ang testimonya ng walong iba pa kabilang ang mga guwardya, ang lumantad na hired killer na si Ruel Puzon, sina Altea, Tolisoro, at iba pa.

Wika ni Beltran, kung may bago at mabigat na ebidensiya ang mga Revilla para sa ibang bersyon ng kaso ay mangyari lamang na ipresenta sa mga imbestigador o sa mismong piskal na may hawak sa kaso.

Buwelta pa ni Parañaque Police Intelligence Unit head C/Insp. Fergen Torred, nauunawaan nila ang reaksyon ng pamilya sa pagkakadawit ng magkakapatid na sina Ramon Joseph, 18, at Maria Ramona, 20, sa kaso ng pagpaslang kay Ramgen, 22.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply