Teritoryo ng Pinas 1 lang

TALAGANG sinasadya na ng rebeldeng MILF – Moro Islamic Liberation Front ang paghahamon sa gobyeno: pagkatapos na patayin ang 19 na sundalo sa Al-Barka, Basilan; pito pa ang pinatay, pito ang sugatan at isa ang nawawala sa Zamboanga Sibugay; at sa huling pagsalakay, pito na naman ang pinatay – dalawang sundalo at limang sibilyan, 12 ang sugatan sa Basilan at Lanao del Norte.

Puro patayan na lamang ang mga balita at lumilitaw na masyadong dehado ang panig ng gobyerno.

Nanggigigil na ang mga militar sa larangan at atat-na-atat sa pagganti, pero, walang magawa dahil sa utos ng commander-in-chief na si PNoy na igalang ang tigil-putukan at respetuhin ang usapang pangkapayapaan.

Hanggang kailan tatagal ang paninindigang ito ng gobyerno? Kailan matutupad ang pangakong katarungan para sa mga biktima ng karahasan ng MILF?

Kung wala nang iluha ang mga naulila at tuluyan nang masiraan ng loob ang mga kawal na ipagtanggol ang sarili at katatagan ng ating bansa?

Ang katatagan ng ating bansa ang dapat umiral at mangibabaw sa lahat ng panahon.

Hindi pwede ang pusong-mamon sa pakikitungo sa mga bandido na walang habas na pumapatay sa mga sundalo ng ating lahi.

Hindi makakilos nang malaya ang militar dahil sa kailangang humingi ng pahintulot sa MILF bago pumasok sa kanilang kontroladong teritoryo; kung merong permiso, kailangan pa rin ang koordinasyon sa kanilang unit upang maiwasan ang mistaken encounter; kung hindi naman pumayag ang MILF, kailangan mo pang magharap ng sumbong sa IMT – International Monitoring Team at ire-refer ang mga ito sa iba’t ibang ceasefire committees, tulad ng JCCCH – Joint Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities at AHJAG – Ad-Hoc Joint Action Group na responsable sa mga lawless element sa pamayanan ng MILF.

Samantalang pending ang resulta ng imbestigasyon – walang magagawa at tali ang kamay ng militar sa mga aksyon na gustong gawin sapagkat ito ay tiyak na makasisira sa tadhanain ng nakaiinis na prosesong pangkapayaan.

Marami ang nagsasabi na kung ang nagaganap ngayon sa Pilipinas ay mangyayari sa ibang bansa – maghahalo ang balat sa tinalupan at tiyak na dadanak ang dugo, pero, hindi naman mababalatan nang buhay ang mga sundalo at hindi maituturing na mahina ang gobyerno sapagkat walang ginagawang aksyon upang panatilihin ang dignidad at karangalan ng ating bayan.

Ito na ang panahon upang lutasin ang isyu sa MILF controlled territory. Kailan pa nagkaroon ng sariling teritoryo ang pusakal na mga bandido sa loob mismo ng nag-iisang teritoryo ng Pilipinas?

Isa kasi sa sinasabing dahilan ng pagsalakay ng MILF ay kawalan ng koordinasyon ng militar nang sila’y pumasok sa “MILF territory.” Bakit? Bakit kailangan pa ang koordinasyon ng militar sa iligal na organisasyon na matagal nang nagsasabog na lagim at takot sa dibdib ng taumbayan.

Hindi natin maiwasan na banggitin ang kasaysayan ng Camp Abubakar sa Maguindanao. Sa loob ng maraming taon, pinabayaan ng gobyerno na maging exklusibo ang nabanggit na kampo sa MILF upang ang mga ito ay lumahok sa peace negotiations. Pero, ito ay maliwanag na pagpapakita ng mahinang liderato.

Noong panahon ng dating Pangulong ERAP, binawi ang Camp Abubakar at ipinailalim sa kontrol ng nag-iisang teritoryo ng Pilipinas.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply