Total log ban ni PNoy inutil– obispo

WALA umanong silbi ang Executive Order 23 o total log ban ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III dahil sa hindi naman umano ito naipatutupad ng maayos bunsod ng kawalan ng political will ng mga namumuno sa bansa.

Ito ang inihayag ngayon ni Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso at idinagdag na napakaraming batas na ang nilikha para ingatan ang kalikasan subalit dahil sa kawalan ng political will ng mga namumuno para ipatupad ito, ay lalo lamang napapabayaan ang kalikasan.

Ayon kay Medroso, hangga’t nananatili ang korapsyon sa mga ahensya ng pamahalaan ay hindi pa rin maipatutupad ng maayos ang mga batas sa bansa.

Binigyang-diin pa nito na ang total log ban ay dapat na ipatupad hindi lamang sa mga ordinaryong mamamayan kundi maging sa mga malalaking mining at logging company dahil sila ang sumisira sa kalikasan na dapat sanang pakinabangan ng lahat at hindi ng iilan.

“I believe it’s only in the implementation, marami na tayong batas para ingatan ang kalikasan. Kahit wala na yang executive order na yan ng Pangulo. Ang problema talaga ay hindi naipatutupad ng maayos ang mga batas na mag-iingat sa kalikasan,” ani Medroso, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

“Kahit mayroon tayong log ban o executive order, marami rin pamamaraan ang mga logging at mining company para labanan ito. Una, nandiyan ang payola at korapsyon.” mariing wika ni Medroso.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply