Undas recap

NAKATUTUWANG tingnan ang mga lansangan nitong nakaraang weekend dahil sa dami ng mga nagkalat na “Oplan Undas” mula Southern hanggang Northern part ng Luzon.

Bawat sulok ng kalye ay makakikita ka ng mga check-point at motorist assistance center na handang tumulong sa mga motorist at biyahero na lahat ay pauwi sa kanilang mga probinsiya para magbigay galang sa mga pumanaw na mahal sa buhay.

Maganda, maayos at malaking tulong ang mga ganitong bagay tuwing may mga national vacation tulad ng Undas.
Kaya lang, may ilang lugar na imbes na makatulong eh nagiging perwisyo pa ang mga “Oplan Undas” na ito!

Isang malaking halimbawa ang mga sunod-sunod na tent at motorist assistance center sa NLEX at SLEX. Dahil sa dami ng mga amuyong at alalay na dala ang mga kasali sa “Oplan Undas” kuno, yung mga sasakyan ng mga VIP nila ang nagiging sanhi ng traffic.

Sa kahabaan ng makipot na Maharlika Highway patungong Nueva Vizcaya, Isabela at Tuguegarao, Cagayan, naglipana ang mga traffic assistance camp ng mga NGO at LGU, pero naka-posisyon naman sila sa lugar na nagpapasikip ng daan.

Sa Cabanatuan naman, may ilang PNP checkpoint doon na walang ginawa kundi pahintuin lahat ng trak na dumaraan para kotongan ang mga ito.

Ang  resulta, nakabalandra lahat ng trak sa magkabilang gilid ng masikip na highway kaya halos hindi na makaraan ang karamihan ng ibang mga sasakyan.

Buti sana kung patago ang kotongan.

Eh harapan na nag-aabutan ang mga pahinante o drayber ng trak sa mga pulis na nakaporma sa checkpoint.

Tapos, nandyan pa yung mga ginagawang lansangan o tulay.

Lahat ng nagplano ng “Oplan Undas” naisip ang lahat ng bagay maliban sa pag-aayos ng trapiko sa mga bahagi ng highway na “under construction.”

‘Yung lugar na kailangan ng taong taga-mando o control ng trapiko, walang tao, kaya labo-labo ang diskarte ng mga tao.

Ang resulta, milya-milyang haba ng trapiko dahil sa maiksing “under construction” na bahagi ng highway.

Ang maipapayo ko sa mga magagaling na traffic coordinators kapag Undas, Semana Santa, Pasko at iba pang long holidays ay pag-isipan ang lugar na popormahan ninyo para hindi kayo magmukhang puro porma, pero walang kuwenta.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply