Urgent motion ni GMA inihain na sa SC

PORMAL nang inihain ang “urgent motion” ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa Korte Suprema.

Sa 12 pahinang mosyon ay hinimok ni GMA na agad atasan ng Korte Suprema ang Department of Justice na huwag silang pigilang mag-asawa na makapangibang bansa upang doon ay komunsulta sa manggagamot kaugnay sa kanyang karamdaman.

Dagdag pa ni Arroyo, nilabag diumano ni Justice Secretary Leila de Lima ang ‘separation of powers’ ng dalawang magkapantay na departamento nang balewalain nito ang TRO ng Supreme Court.

Bukas ay magpupulong ang Supreme Court special en banc at sa susunod na linggo naman isasagawa ang oral arguments kaugnay sa motion for reconsideration na inihain ng DOJ kaugnay sa inisyung TRO ng SC.

Samantala, muling ipinagpaliban ni GMA ang pag-alis nilang mag-asawa ngayong araw dahil na rin sa patuloy na pagsama ng kanyang pakiramdam.

Sinabi ni Elena Bautista Horn, tagapagsalita ni Arroyo, mismong si GMA ang nagdesisyon dala na rin ng masama ang pakiramdam at pag-iwas na maulit ang naranasan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Martes (Nobyembre 15) ng gabi.

Aniya, itutuloy pa rin ni GMA ang pag-alis upang makapagpagamot sa ibang bansa kapag maganda na ang kanyang pakiramdam.

Nanghihina diumano si Arroyo at patuloy na nagbabago ang kanyang blood pressure.

Kanina ay muling ipinagpaliban ang pagtungo ni GMA sa Singapore matapos magtaas-baba ang blood pressure bunsod ng kaguluhan sa NAIA na dinanas nito nang harangin ang kanilang pag-alis.

Kaninang alas 12:30 ng tanghali ay may appointment sana si GMA sa St. Margarette Hospital sa Singapore subalit nabigo na naman itong makarating.

Kasalukuyang naka-confine sa St. Luke’s Medical Center ang dating pangulo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply