Uso rin pala ang bayanihan sa dagat

MGA kapatid, matagal-tagal na rin nating naririnig ang “exclusive economic zone” o EEZ sa mga pangunahing balita sa ating bansa.

Ayon sa mga eksperto, ang EEZ ay isang “maritime zone” o bahagi ng dagat na kadikit ng ating teritoryong pandagat na hindi hihigit sa 200 nautical miles o 370 kilometro mula sa limitasyon ng ating teritoryong pandagat.

Mula sa EEZ, ang isang estado ay nabibigyan ng malayang karapatan na gamitin at pangalagaan ang yamang dagat na matatagpuan dito.

Batay sa Saligang Batas ng Pilipinas, nakareserba sa lahat ng Filipino ang paggamit at kaluguran ng EEZ.

Ayon pa rito, responsibilidad ng ating estado ang protektahan ang ating EEZ at ilaan ang mga yamang mapakikinabangan mula dito.

Kaugnay pa nito, sabi sa ating Saligang Batas na responsibilidad ng ating estado ang pangalagaan ang karapatan ng mga maliliit na mangingisda natin lalo na yung mga taga-lokal na komunidad para sa ani ng yamang dagat.

Dagdag pa rito ay ang responsibilidad na protektahan, paunlarin, at pangalagaan ang yamang dagat sa ating EEZ.

Bahagi ng proteksyong inilalaan ang pangangalaga ng ating mga pangisdaan laban sa panghihimasok ng mga dayuhan.

Napakaimportante talaga na mapangalagaan ang pag-aari natin sa ating EEZ dahil malaking bahagi ng ating kabuhayan at kayamanan ay matatagpuan dito, hindi lamang para sa mga kababayan natin sa mga panahong ito, kundi para sa mga susunod pang mga henerasyon.

Kamakailan lamang ay may namataang mga dayuhang mangingisda ang ating mga kababayang mangingisda malapit sa Palawan.

Sila na mismo ang nagsabi sa mga operatiba ng Hukbong Dagat malapit sa lugar upang agarang ma-aksyunan ang hinihinalang pang-hihimasok. Daglian din namang pumulas ang mga dayuhan nang may rumespondeng barko ang Philippine Navy.

Makikita sa insidenteng ito na napakahalaga ang tulong na impormasyon na naibigay ng mga kababayan natin sa pagbabantay ng ating karagatan.

Makikita din dito na may importanteng kaakibat ang inyong Navy sa pangangalaga ng ating EEZ.

Kaya’t mga kapatid ko, magtulong-tulong tayo sa pangangalaga ng ating EEZ.

Para sa atin ito at sa mga susunod pa nating salinlahi.

Kaya natin yan Pinoy!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply