Utos ng DoTC ipatupad agad

KAILANGAN lang talaga ang totohanang kampanya at political will para lumuwag ang trapiko sa EDSA at sa iba pang mga malalaking kalsada sa Metro Manila.

Tinutukoy ko ang kautusan ni Secretary Mar Roxas ng Department of Transportation and Communication na hulihin at i-impound ang lahat ng mga bus na suspendido at kanselado ang mga prangkisa.

Ang kautusan ni Sec. Roxas ay bunga ng rekomendasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na kanselahin ang prangkisa ng mga kompanya ng bus na nakilahok sa magulong transport strike sa EDSA noong Nobyembre 2010.

Nagresulta sa malawakang paralisasyon nang biyahe ang strike na lubhang nakaapekto sa ordinaryong commuters na karamihan ay ‘di nakapasok sa kanilang mga trabaho at eskwelahan.

Tuluyan nang kinansela ng LTFRB ang operasyon ng 121 bus ng Philippine Corinthian Inc. na pag-aari ni Claire de la Fuente, kasama ang prangkisa nang 128 bus ng Jell Transport.

Kung maipatutupad ang kanselasyon, aabot agad sa halos 250 na mga bus ang tuluyang mababawas sa mga tumatakbo sa lansangan na magiging malaking kaluwagan hindi lamang sa mga motorista kundi maging sa ating kapaligiran.

Base kasi sa pag-aaral, ang mga bus ang isa sa mga pangunahing nagdudulot ng polusyon sa hangin sa NCR.

Maliwanag sa kautusan ng DOTC na ang kanselasyon ng prangkisa ng dalawang bus companies ay “immediately executory” kaya dapat lang na ipatupad na ito agad.

Siguradong may paglalagyan ang mga bus ng kompanyang ito sakaling maging matigas ang ulo nila dahil desidido ang MMDA at Land Transportation Office (LTO) sa ilalim ni Asst. Secretary  Virgie Torres na ipatupad ang utos ni Sec. Mar.

Maliban sa dalawang bus companies, iniutos ding sus-pindihin sa loob ng anim na buwan ang operasyon ng 11 unit ng Vo-yager Express Liner at ang 28 bus ng Angelito Chang-Elenam Liner.

Kasama ring nasuspinde ang ES Transport, Bovjen Transport, Eduardo Palma, E&E Royal Couple Bus Inc., City Bus Inc., Philippians Bus Lines, Newman Goldliner, Rainbow Express, Jayross Lucky Seven Tours, Laguna Star Bus Transportation System, JRMS Golden Sky Transport, Mannrose Liner, Vill 5000, Margarito Penalosa, Jacinto Torres at Luzon Bus.

Sa napakahabang panahon ay nagtiis ang mga motorista at commuter sa mga abusadong operator at driver ng mga bus kaya’t siguradong dahil sa pangyayaring ito ay matututo na sila nang kanilang leksiyon.

Huwag lang sanang maging ningas-kugon sa kanilang trabaho ang mga awtoridad.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply