Wanted na retiradong pulis naaresto

ARESTADO ang isang retired MPD police na ilang buwan nang wanted sa kasong murder matapos itong masukol ng kanyang kabaro habang nagmamaneho ng kanyang sasakyan kaninang umaga sa Ermita, Maynila.

Hawak ngayon ng MPD District Mobile Group-Mobile Patrol Unit ang suspek na si SPO2 Cresenciano Martinez, 60, nakatira sa Dulo Isla Puting Bato, Tondo, Maynila.

Ayon kay P/Insp. Edgar Reyes, hepe ng MPD-DMPU dakong alas-11:45 ng umaga nasukol si Martinez sa may kahabaan ng Roxas Katigbak, Ermita, Maynila.

Nabatid na may ibinabang warrant of arrest laban sa suspek mula kay Manila Regional Trial Court (MRTC) Branch 37 Presiding Judge Virgilio Macarang kaugnay sa kasong murder .

Sa panayam kay Ginang Racquel Ollgue, nabaril umano ni Martinez ang kanyang anak na si Fernando Ollgue, 18, noong Marso 13 ng gabi at binawian ito ng buhay noong Marso 17 sa Jose Reyes Memorial Medical Center .

Ayon sa ginang, nabanggit pa umano ng kanyang anak kong sino ang nakabaril sa kanya bago pa man bawian ng buhay kaya agad silang naghain ng reklamo sa MPD-Station 2 hanggang sa maisampa ang kaso sa korte.

Nagsasagawa naman ng pagpapatrolya ang mobile unit sa pangunguna ni P/Insp. Reyes nang sabihan sila ng pamilya Ollgue na wanted ang ang nakasakay sa isang Mitsubishi.

Kasabay nito, iniabot ni Ginang Ollgue ang hawak nilang kopya ng warrant of arrest kay Reyes kaya agad nilang napigilan ang suspek at dinala sa MPD headquarters.

Narekober naman mula sa suspek ang Llamas cal. 45 na walang kaukulang dokumento.

Nabatid na wala ring inirekomendang piyansa ang korte laban sa suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply