Pagtestigo ni Zaldy vs GMA haharangin

PERSONAL na dumulog sa Department of Justice ang mga kaanak ng mga biktima ng Maguindanao massacre para muling hilingin kay Justice Secretary Leila de Lima na huwag gawing testigo sa kasong electoral sabotage laban kay dating Pangulong Gloria Arroyo si dating ARMM Governor Zaldy Ampatuan.

Sa tatlong pahinang liham, iginiit ng mga kaanak ng mga biktima na hindi na kailangan ang testimonya ni Zaldy sa nasabing kaso dahil marami na namang testigo na hawak ang DOJ para madiin sa kasong pandaraya sa eleksyon si Ginang Arroyo.

Gaya na lamang aniya ni dating Maguindanao Provincial Administrator Norie Unas kung saan sa kanyang affidavit ay sinabi niyang personal na inatasan ni Ginang Arroyo si dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr para dayain ang eleksyon.

Ipinaalala pa nila kay de Lima na mismong siya na ang nagsabi noon na sapat na ang testimonya ni Unas para madiin sa kasong electoral sabotage si Ginang Arroyo.

Kaugnay nito, iginiit ng mga kaanak ng biktima na nais nilang makatiyak na hindi malalagay si Zaldy sa witness protection program at hindi ikokompromiso ng gobyerno ang kaso ng Maguindanao Massacre.

Nababahala raw kasi sila na kapag naging testigo sa kaso ng electoral sabotage si Zaldy ay maapektuhan ang paglilitis sa kanya sa kaso ng Maguindanao massacre.

Kabilang sa mga lumagda sa liham ay sina Juliet Evardo, Myrna Reblando, Catherine Nunez at Arlyn Lupogan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply