‘Di nagme-Meri Krismas kundi nangongotong

ARAW-ARAW na lang tayong nakatatanggap ng reklamo sa laganap na kotongan sa mga lansangan.

Lalo na sa parte ng mga namamasada na traysikel, dyipni at taksi.

Hindi lang sa Metro Manila nagaganap ito, Suki, kundi sa mga lalawigan.

Dati-rati, mga pulis at trapik enporser lamang ang nangongotong.

Ngayon, kasama na ang mga taga-LTO.

Sumbong ng mga biktima, wala na silang kinikita.

Madalas na rin silang hindi nakababawndari sa sobrang kotongan.

oOo

Heto ang ilang sinisita ng mga lintek na iskalawag sa pulisya, trapik enporsmen at LTO.

Kung tinamaan ang iyong salamin ng maliit na bato na lumipad mula sa kalsada at nagkaroon ng konting marka, titiketan ka ng mga animal na kotongista.

May mga barker ng mga pulis na nagpapakarga ng pasahero sa mga kanto ng kalsada at kapag umiwas ka at nakaapak ang iyong gulong sa yellow line sa gitna, titiketan ka. Ikaw pa ang titirahin ng obstruction.

Kapag umiwas ka sa sobrang trapik dahil sa kainutilan ng mga pulis at enporser sa kalsada, titiketan ka ng mga nagtatago at nakaabang na mga iskalawag.

Kapag nangatwiran ka sa mga naniniket sa iyo, ibang bayolesyon yan.

Kung wala ka namang violation, iinspeksyunin nila ang mga papeles ng iyong sasakyan at kung ano-ano lang ang nakikita nilang kulang umanong datos sa iyong mga papeles.

oOo

Ginagawang ligal ang pangongotong dahil doon sila sa komisyon kumikita.

At lumalabas, Suki, na may kota ang mga iskalawag na ito mula sa kanilang mga bosing.

Dahil sa mga pangyayaring ito, hindi tayo magtataka kung may mga pulis, LTO at trapik enporser na nagiging biktima ng mga riding in tandem.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply