‘Juan Time’ pagbabago sa bayan ni Juan sa 2012

KASABAY ng pagpasok ng panibagong taon, 2012, muling isusulong ng mga Filipino ang pagbabago sa pamamagitan ng kanilang New Year’s Resolution para itama ang maling nakagawian at nakaugalian sa buong 2011.

Isa na dito ang nakagawian nating “Filipino Time,” ang hindi pagsunod sa itinakdang oras ng isang event, meetings at iba pang mahahalagang dates o okasyon na dapat puntahan.

Katwiran kasi ng ilan, “hindi naman magsisimula sa takdang oras ang isang okasyon dahil nga sa nakasanayang Filipino Time.”  Ang isang segundong ‘late’ sa takdang oras ng appointment ay maituturing na malaking kabawasan lalo na sa isang negosyante.

Sa paghihiwalay ng taon, pangungunahan ng Department of Science and Technology (DOST) ang muling paglulunsad ng “Juan Time – The New Filipino Time,” proyekto ng Science and Technology Information Institute STII, isang ahensiya ng DOST para pagtugmain lahat ng orasan sa buong bansa bilang simbolo ng ng pagsisimula ng pagbabago.

Sa bawat taon, hindi alam ng mga Pilipino kung ano ang susundan sa pagdiriwang ng bagong taon…may iba na ibinabase ang countdown sa telebisyon, o sa fireworks na gagamitin ng munisipyo sa kanya-kanyang lugar

Ang salitang Juan Time ay nilaro mula sa salitang “One Time” na ginawang “Juan” na sumisimbolo sa mga Pilipino. Kaya’t ang ibig sabihin nito ay “Isang oras ng mga Pilipino.”

Pagsasabayin nito ang oras sa 7,100 pulo ng Pilipinas, babaguhin ang Filipino image at itatama ang terminong Filipino Time sa pamamagitan ng Philippine Standard Time (PST), sa pamamagitan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA), na opisyal na tagapangalaga ng oras sa Pilipinas.

“Juan Time reminds Filipinos that keeping to the PST avoids the difficulties of having confusing, unsynchronized time,” ayon kay DOST Sec. Mario Montejo.

Layunin ng programa na ipaalala sa mga Pilipino na maging responsable pagdating sa usapin ng oras. Sa bayan ni Juan, nakasanayan na ang laging pagpapahuli sa mga ganitong pagkakataon, dahil laging sa sinasabing, “Filipino Time.” Hindi kasi pareho ang mga oras sa relo ni Juan, kung kaya’t sa oras pa lang  ng mga pinoy ang pag-uusapan, ay hindi na nagkakaisa, at sa kawalang kamalayan na pagkakaroon ng mañana habit o ningas kugon.

Sa pamamagitan din nang simpleng pagsunod sa PST, posible na unti-unti na nating maalis ang negatibong nakasanayan kaugalian ng mga Pilipino. Isa na dito ang paggawa ng kung anu-anong dahilan tuwing nahuhuli tayo sa eskwela, opisina o sa kahit anumang okasyon na ating dainadaluhan.

Ang pagbubukas ng taon  ng mayroong pare-parehong Timeline ay sumisimbolo sa buong bansa  sa pagpasok nito sa mas maunlad na buhay  patungo sa tuwid na landas bilang pangkabuo ang New Year’s resolution ng mga Filipino.

“Time is a resource that is very important but often overlooked. Other than its social and economic value, time is something that can unite us as Filipinos,” dagdag pa ni Sec. Montejo

Ang pagsunod sa PST ay makatutulong din sa bawat indibidwal na mas mabalanse ang kanilang oras sa pagtupad ng kanilang mga responsibilidad. Halimbawa na lang sa oras ng pagpasok. Estudyante man o empleyado, matinding trapiko ang karaniwang pangunahing dahilan sa pagkahuli nila sa opisina o sa eskwelahan.

Sa larangan ng negosyo, mahalaga din ang ginagampanan nang pagsunod sa PST sa buong kapuluan. Ang pagkakaroon ng kaalaman sa pinakaeksaktong oras, kasama na ang pinakadetalyadong segundo, ay malaking tulong sa mga ahente ng stock market sa Pilipinas.

Sa pamamagitan nito mas madali sila makakahigilap ng mga makakaagapay sa kanilang mga negosyo. Indikasyon ito na ang pagakakaroon ng sistematikong pamamahala sa oras ay pagkakaroon din nang sistematikong kaisipan.

Ang pagka-kahon ng mga Pinoy  sa ideyang ‘Filipino time’ ay maaring maging balakid sa kagustuhan ng mga Pilipino na maging world class sa larangan ng ekonomiya dahil ito ay nagbibigay ng hindi magandang impresyon sa foreign investors. Pangunahing  dapat bigyang halaga ang foreign investors dahil sila ang magpapaunlad ng ating Industriya sa bansa.

Magsisilbing paalala ang PST sa ating mga Pilipino ang diwa ng pagkakaisa hindi lamang  sa usaping pulitikal kundi maging sa pakikipagkapwa. Maraming bagay ang maisasakatuparan kapag  lahat ay sama-samang kumilos na may iisang mithiin.

Mapauunlad nito ang kultura ng bayanihan sa isa’t  isa na nagpapahalaga ng pagiging nasa oras para sa iyong kapwa.

Mula sa DOST, hinihikayat ang lahat na lumahok sa Juan Time, sa pagsalubong ng bagong taon. Sa unang pagkakataon sana’y sabay-sabay ang lahat ng mga Pilipino, saan man sulok nang Pilipinas, sa countdown sa pagpapalit ng taon.

Isa ito sa magandang new year’s resolution na masimulan natin, ang maging “on time” at hindi na masayang ang bawat minutong sana’y nakalaan, sa mas kapaki-pakinabang na gawain.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply