2 kasama ni Abalos arestuhin – Pasay RTC

IPINAAARESTO na ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) ang dalawang kasama ni dating Commission on Election (Comelec) Chairman Benjamin Abalos na nasampahan din ng kasong electoral sabotage ng Comelec Investigation and Prosecution Division.

Kaagad na ipinadala ni Judge Jesus Mupas ng branch 112 ang kopya ng arrest warrant sa Pasay City Police Warrant Section at National Bureau of Investigation (NBI) laban kina North Cotabato Provincial Election Supervisor Yogie Martirizar at Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) Capt. Peter Reyes upang dakpin kaagad ang dalawa.

Hindi naman naglabas ng warrant of arrest si Judge Mupas laban kay Abalos at sa halip ay inatasan ang tagausig na sagutin ang inihaing mosyon ng mga abogado ng dating chairman na humihiling na suriing muli ang mga inilatag na ebidensiya upang alamin kung sapat para isampa sa korte ang kaso.

Itinakda ni Mupas ang pagdinig sa naturang mosyon sa Lunes, Disyembre 12 upang madetermina kung kinakailangang maglabas ng arrest warrant laban kay Abalos.

Kahapon ay muling nagtungo sa Pasay RTC si Mandaluyong Mayor BenHur Abalos, anak ng dating Comelec Chairman upang tiyakin na hindi tatakbuhan ng kanyang ama ang kasong isinampa rito.

Sinabi ng batang Abalos na bagama’t nasa maayos na kondisyon ang kalusugan ng kanyang ama, mahigpit aniya nilang binabantayan ang kalagayan nito dahil hindi maiaalis sa kanilang pamilya ang labis na mag-alala lalo na’t dumaranas ng sama ng loob ang matanda sanhi ng isinampang kaso laban sa kanya.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply