2 suspek sa Ramgen slay humirit ng piyansa

HINIRIT ng abogado ng dalawang suspek na isinasangkot sa pagpatay kay Ramgen Revilla na agad aksiyunan ng Parañaque Regional Trial Court (RTC) ang inihain nilang mosyon na humihiling na payagang makapagpiyansa ang kanyang mga kliyente.

Ayon kay Atty. Ana Luz Cristal, hindi magiging makatarungan na magdaos ng Pasko sa kulungan ang kanyang mga kliyente na sina Roy Francis Tolisora at Michael Nartea dahil mahina naman ang ebidensiya na magsasangkot sa mga ito sa krimen.

Kumpiyansa si Atty. Cristal na dahil sa paghahain nila ng mosyon na humihiling na makapaglagak ng piyansa ang dalawa, mapupuwersa ang tagausig na mag-prisinta ng matibay na ebidensiyang magsasangkot kina Tolisora at Nartea.

Kung tutuusin aniya ay pawang mga hearsay o sabi-sabi lamang ang iprinisintang ebidensiya ng tagausig lalo na’t hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa batid kung sino ang killer ni Ramgen.

Maging sa affidavit ng mga testigo ng tagausig na sina Ruel Puzon at Lloyd Comeda ay nakasaad na pinalitan sina Tolisora at Nartea nang mabigo silang paslangin si Ramgen.

Sa oras aniyang katigan ni Judge Fortunino Madrona ang kanilang mosyon, hihirit naman sila ng araw-araw na pagdinig upang matapos kaagad ang pagdurusa ng kanyang mga kliyente.

Kahapon ay hindi natuloy ang pagsasagawa ng preliminary investigation sa isa pang suspek na si Ryan Pastera, alyas Bryan matapos itakda ng tagausig ang paghaharap ngayong hapon nina Pastera, Glaiza Visda at Norwin Dela Cruz.

Sina Visda at kalive-in na si Dela Cruz ay kapwa nagturo kay Pastera na umano’y nag-utos na humanap ng taong papatay kay Ramgen.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply