23 tiklo, 200 pitbull nasagip sa dog fighting

NADAKMA ng pulisya ang anim na Korean national at 17 Pinoy na trabahador habang nasagip naman ang may 200 asong pitbull na ikinasa sa on-line-betting dog fighting sa Cavite kagabi (Disyembre 2).

Sinabi ni P/Supt. Romeo Baleros, hepe ng Indang Police, isasailalim nila sa masusing interogasyon ang mga suspect na walang maipakitang kaukulang pasaporte at identification card sa Cavite Provincial Police Office (CPPO).

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang pagsalakay dakong alas-8:30 ng gabi sa isang inuupahang bahay ng mga suspect sa Indang, Cavite.

Bago ito, nakatanggap ng tip ang pulisya hinggil sa nagaganap na dog fighting sa bahay ng mga suspect kaya ikinasa ang pagsalakay.

Anim lamang ang naarestong mga Korean national ng mga operatiba pero nabatid na mahigit sa 10 pang Koreano ang nagpapatakbo ng naturang live online betting station ng dog fighting.

Nakumpiska rin sa bahay ng mga Koreano ang maraming kulungan ng mga pitbull, mga laptop computers na ginagamit sa iligal na sugal, at may nakita rin na isang fighting arena na pinagdadausan ng dog fighting.

Dadalhin naman sa Animal Kingdom Foundation ang mga nasagip na aso na ang karamihan ay pitbull, isang uri ng aso na kilalang palaban at matapang.

Sasampahan ng kasong Animal Welfare Act at illegal gambling ang mga nahuling nagpapatakbo ng illegal betting station. Robert C. Ticzon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply