3 utol, bayaw pumatay kay Ramgen – Janelle

ISINIWALAT ni Janelle Manahan, kasintahan ng pinaslang na si Ramgen Revilla-Bautista, na nagsabwatan ang mga kapatid at bayaw nito upang isagawa ang pagpatay sa una dahil sa pagiging mahigpit ng pinatay.

Batay sa isinumiteng reply affidavit ni Manahan sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Atty. Restituto Mendoza, inihayag nito na resulta ng pagsasabwatan ng magkakapatid na Ramon Joseph, Ramona, Gail at asawa nitong si Hiro ang nangyaring pamamaslang sa kanyang kasintahan at tangka ring pagpatay sa kanya.

Bagama’t hindi nakarating sa tanggapan ni Parañaque Assistant City Prosecutor Leah Roma si Manahan dahil sa biglaang pagpapa-check up matapos dumugo ang pisngi na isinailalim sa operasyon matapos tamaan ng bala, sinabi ng kanyang mga abogado na nagawa namang sumpaan ng dalaga ang kanyang reply affidavit sa harap ng isang piskal sa Makati city.

Nakasaad din sa reply affidavit ni Manahan na sadyang mahigpit sa pagdidisiplina si Ramgen at minsan ay nagiging malupit sa kanyang mga kapatid lalo na kapag nakagagawa ng pagkakamali ang mga ito.

May nasuntok at may natutukan na rin umano ng baril si Ramgen sa kanyang kapatid dahil sa hindi paggawa ng assignment sa paaralan at nasaktan ang isa pa dahil naman sa pag-uwi ng hatinggabi matapos magtungo sa isang party.

Sinabi pa ni Atty. Mendoza na hindi normal na kilos o aksiyon ng isang kapatid ang ginawa ni Ramona nang pagsasaksakin sa kanyang harap si Ramgen lalo na nang lumabas siya ng bahay ng hindi man lamang humingi ng tulong gayong may krimen ng nangyari na ikinamatay ng kapatid.

Kaugnay nito’y isinumite na rin kanina ni Genelyn Magsaysay ang orihinal na counter affidavit ng kanyang anak na si Ramona Bautista sa piskalya ng Parañaque city na pinabubulaanan ang akusasyon na sangkot siya sa nangyaring pagpatay sa kapatid na si Ramgen Revilla.

Sinabi ni Genelyn na authenticated copy ang dala nilang 15-pahinang affidavit ni Ramona na may kalakip na pasaporte mula pa sa embahada ng Pilipinas sa bansang Turkey at may lagda ni Philippine Consul Lailani Feliciano.

Magpapatunay aniya ito na dumaan sila sa tamang proseso at walang plano ang kanyang anak na takasan ang mga maling akusasyon na ibinabato sa kanya kaugnay sa nangyaring krimen.

Kasama ni Genelyn sa pagtungo sa piskalya ang mga menor-de-edad na anak na sina Ragine, Ruben, Ma. Ramlyn at Rafael Julius.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply