4 na kabataang holdaper timbog sa pulisya

APAT na kabataang holdaper na pawang mga menor de edad ang nadakip ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) Batasan Police Station (PS-6) sa isinagawang follow up operation kaninang madaling araw.

Kinilala ni QCPD Director Police Chief Superintendent George Regis ang mga biktima na sina Renjun Escabusa, 19, isang hairstylist at Claudette Avila, 24, kapwa tubong Angeles, Pampanga.

Base sa salaysay ni Escabusa, biglang sumulpot ang mga kabataang suspek sa kanilang likuran at tinutukan siya ng icepick ng isa sabay kuha sa kanyang cellphone at make-up kit.

Hindi naman nagawang pumalag ni Avila dahil sinakal naman siya ng isa pang suspek habang ang isa pang kasama nito ang kumuha sa kanyang pera na nagkakahalaga ng P25,000.

Matapos ang panghoholdap ay mabilis na nagpulasan sa iba’t ibang direksiyon ang mga kabataan.

Agad na nagsagawa ng follow-up operation si SPO4 Joypul Fulgencio matapos magsumbong sa himpilan ng Batasan Police Station (PS-6) ang mga biktima na nagresulta sa pagkakadakip sa apat na suspek.

Positibong kinilala ng mga biktima ang apat suspek na nangholdap sa kanila at tumangay sa kanilang pera at kagamitan.

Narekober sa isa sa mga suspek ang cellphone ni Escabusa.

Sasampahan ng kasong robbery hold-up ang mga suspek.

Magugunitang naging mainit na usaping ligal nitong mga nagdaang araw ang pagkakasangkot sa ilang krimen ng mga menor de edad o Children in Conflict with the Law na nagtutulak sa hanay ng pulisya na manawagan upang magkaroon ng mga nararapat na pagbabago sa batas patungkol sa mga menor de edad na nasasangkot sa krimen.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply