576 OFW nahaharap sa kaso ng illegal drugs

UMAPELA si Rep. Juan Edgardo M. Angara sa pamahalaan na bigyan ng atensyon at maagap na saklolohan ang 576 Pilipino na nahaharap sa parusang kamatayan, nakapiit o kasalukuyang nililitis dahil sa mga kaso ng ilegal na droga.

Diin pa ni Angara, hindi dapat magkaroon ng tinatawag na “China only policy” sa pagbibigay ng legal na ayuda o paghingi ng pagpapatawad o clemency para sa mga Pilipinong nakapiit sa mga dayuhang bansa.

Bagama’t ang China aniya ang nangunguna sa mga bansa kung saan ay maraming Pilipino ang nakabilanggo na aabot sa 207 dahil sa pag-iingat ng ilegal na droga, may halos 400 na iba pang Pinoy sa 31 ibang bansa ay nahaharap sa katulad na sitwasyon.

Sumunod sa China ang Italy na may 76 Pilipinong nahaharap sa kasong ilegal na droga at ang Saudi Arabia na aabot sa 70 kaso.

“The fact that an increasing number of Filipinas are being caught in South America, where in some parts, cocaine trade is a major export industry, is a cause for alarm,” ani Angara.

Binanggit pa ng kongresista na bagamat may mga bansa kung saan nakakulong ang mga Pilipino na walang parusang bitay, kinakailangan pa rin ang tiyak na tulong mula sa gobyerno.

Diin pa ni Angara, marapat na makinig na ang gobyerno sa mga suhestyon kung paano mapuputol ang paghihikayat sa mga Pilipino na maging courier ng mga sindikato ng ipinagbabawal na gamot. Beth Aragon

 

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply