6 na patay, 8 missing sa pagbaha sa VisMin

ANIM katao na ang namamatay habang walo pa ang iniulat na nawawala sanhi ng pulo-pulong pag-ulan na nararanasan ngayon sa Mindanao at Visayas na nagdulot ng malawakang pagbaha sa ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at Office of Civil Defense dala ng mga namumuong low pressure area.

Ayon kay NDRRMC Executive Dir. Benito Ramos, isang lola ang namatay matapos maiwan sa loob ng bahay sa kasagsagan ng pagtaas ng tubig-baha sa Brgy. Buntay, bayan ng Abuyog, sa Leyte.

Samantala, sa Tanuan, Leyte, isang anim na taong gulang na bata ang natagpuang bangkay matapos malunod sa tubig-baha.

Base sa pahayag ni Pitts Pabilona, officer-in-charge ng Office of Civil Defense OCD-8 kinumpirma nito ang pagkamatay ng bata matapos malunod dahil na rin sa walang tigil na pag-ulan.

Ayon kay Pabilona, maliban sa anim na taong gulang na namatay, walo naman ang nawawala at patuloy na pinaghahahanap.

Aabot sa 16 na pamilya ang apektado sa pagbaha sa nasabing lugar.

Sa Abuyog, Leyte nasa 697 pamilya ang apektado, 28 sa Palo, 58 sa Julita at 76 naman ang apektado sa Dagami.

Una na ring napaulat ang pagkasawi ng limang taong gulang na bata sa Dagami at dalawang katao ang sugatan.

Aabot naman sa 933 na pamilya ang apektado sa pagbaha sa Leyte.

Sa lalawigan ng Cebu, dalawa na ang naitalang patay, matapos anurin ng tubig-baha sa Tabogon, Cebu sa kasagsagan ng matinding ulan dahil sa umiiral na low pressure area.

Kinilala ang mga biktima na sina Consina Espinosa, 78, at anak nitong si Norma Frias, 53, na kapwa taga-Sitio Lib-og, Brgy. Falag, naturang bayan.

Nabatid na nagpumilit ang mag-ina na makapunta sa kanilang munisipyo upang makakuha ng giveaways para sa mga senior citizen kaya sinagasa nila ang malakas na agos ng tubig-baha sakay ng isang motorsiklo na minamaneho ng asawa ng apo ni Espinosa na si Dexter Okyano, 27.

Ngunit hindi umano nakayanan ng motorsiklo ang pagragasa ng tubig-baha, dahilan upang sila ay inanod.

Swerte naman si Okyano na nakakapit sa isang punongkahoy, habang hindi na nakaligtas ang dalawang biktima.

Samantala, isa na rin ang naitalang namatay kasunod ng baha kahapon sa Sagay City, Negros Occidental.

Kinilala ang biktima na si Violeta Dela Cruz ng Barangay Paraiso Sagay na inatake sa puso nang makitang nawasak na ang bahay nito ng rumaragasang tubig-baha.

Napag-alaman na libu-libong pamilya ang apektado ng baha sa naturang lugar matapos umapaw ang tubig-baha sa Paraiso bridge bunsod ng pagbuhos ng malakas na ulan.

Maliban sa Sagay City, limang bayan at lungsod sa lalawigan ang binaha rin at may naitala pang minor landslides.

Halos umabot naman sa 2,000 pamilya ang apektado ng malawakang pag-ulan at pagbaha sa syudad ng Valencia, Bukidnon.

Ito’y matapos umaabot na sa 10 barangays ang tinamaan ng pagbaha na nagresulta sa pag-apaw ng mga ilog at sumira sa diversion dam na nasa pangangalaga ng National Irrigation Administration (NIA) na nakabase sa boundary ng Valencia at San Fernando town.

Binaha ngayon ang mababang lugar sa lalawigan ng Cotabato dahil sa pag-apaw ng Pulangi river pagkatapos mawasak ang irrigation dam ng National Irrigation Administration (NIA) sa Valencia, Bukidnon.

Ayon kay Cotabato Gov.  Emmylou “Lala” Mendoza, kabilang sa binaha ang mga bayan ng Carmen, Kabacan at Pikit.

Nagsilikas na rin ang ilang mga residente sa gilid ng Liguasan Marsh at Rio Grande de Mindanao sa lungsod ng Cotabato at Maguindanao dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig.

Nag-panic din ang ilang sibilyan sa posibleng pagragasa ng malakas na tubig-baha pagkatapos mawasak ang irrigation dam.

Namataan din ng mga residente ang maraming trosong inanod sa Pulangi River kasabay ng malakas na baha.

Ayon kay PNP-10 spokeswoman P/Chief Insp  Regina Abanales, ang mga apektadong residente ay nagmula sa mga barangay ng San Isidro, Sugod, Pantilan, Maapag, Poblacion, Batangan, Kahaponan, Sinawayan, Kawayanon at Lumbo na pawang nasasakupan ng Valencia.

Sinabi ni Abanales na batay sa ipinaabot na ulat ni P/Insp. Carlito Chua ng Regional Public Safety Batallion (RPSB) na kahit tumaas pa man ang tubig na umaabot hanggang sa bubungan na mga bahay ay wala pang naiulat na anumang sugatan o casualty sa kalamidad.

Sa lalawigan ng Capiz, tumaas ang bilang ng mga barangay na apektado ng pagbaha.

Sa patuloy na monitoring ng PDRRMC, umabot na sa 36 na barangay sa limang bayan sa lalawigan ang lubog na sa tubig-baha, dahil sa malakas na ulan na dala nga low pressure area (LPA) sa bansa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply