Abalos, 3 pa, kinasuhan na ng electoral sabotage

SINAMPAHAN na ng Commission on Elections (Comelec) ngayong hapon ng kasong electoral sabotage sa Pasay City Regional Trial Court (RTC) si dating Comelec chairman Benjamin Abalos Sr. at tatlong iba pang personalidad na isinasangkot sa umano’y naganap na dayaan noong 2007 elections .

Ayon kay Comelec chairman Sixto Brillantes, Jr., ang pagsasampa ng kaso ay inaprubahan ng Comelec en banc matapos ang isang pulong nitong Miyerkules.

Bukod kay Abalos, kinasuhan din sina dating South Cotabato provincial election supervisor Lilian Radam, at dalawang myembro ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) na sina Capt. Peter Reyes at Major Joey Lleaban.

Dakong 3:40 ng hapon nang tumulak patungong Pasay RTC ang mga tauhan ng Comelec Law Department upang pormal na ihain ang kaso.

Matatandaang isiniwalat nina Radam at isa pang testigo na si dating North Cotabato provincial election supervisor Yogie Martirazar na inatasan sila ni Abalos na tiyakin ang 12-0 win pabor sa Team Unity ng noon ay administrasyong Arroyo.

Una nang ipinagpaliban noong nakaraang buwan ng Comelec ang pagsasampa ng kaso laban sa mga nasabing indibidwal at sa halip ay inuna munang kasuhan sina dating Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo, dating Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr. at dating Maguindanao election supervisor Lintang Bedol, na pawang detenido na ngayon.

Samantala, tiniyak naman ni Abalos na handa siyang harapin ang kasong isasampa laban sa kanya ng poll body.

Bilang katunayan, bago pa man naisampa ang kaso ay boluntaryo nang nagtungo sa Pasay RTC si Abalos, kasama ang kanyang pamilya upang salubungin ang warrant of arrest na maaaring iisyu laban sa kaniya ng hukuman anumang oras.

“Rest assured tayo ay man of law. Tayo ay pasasakop sa batas. Wala tayong planong tumakbo. ‘Pag na-file (ang kaso) I will voluntarily surrender ,” ani Abalos.

Aminado rin si Abalos na mistula siyang tino-torture nitong nakalipas na dalawang linggo dahil sa pagbabanta nang pagsasampa ng kaso laban sa kanya.

Si Abalos ay itinalagang chairman ng Comelec ni Arroyo noong taong 2002.  Nagbitiw siya sa tungkulin noong 2007 matapos idawit ang  pangalan sa kontrobersiyal na NBN-ZTE broadband scandal.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply