Abalos magpa-Pasko’t Bagong Taon sa SPD

MAGDIRIWANG ng Pasko at Bagong Taon si dating Commission on Elections (Comelec) chairman Benjamin Abalos sa tinutuluyang pasilidad sa Southern Police District (SPD) sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Ito’y makaraang magpasiya si Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112 Judge Jesus Mupas na sa Enero 9 ng susunod na taon na niya tatalakayin ang lahat ng mosyon na inihain ng kampo ng mga akusado na nakahain sa kanyang sala.

Ayon kay Sheriff Rodelio Buenviaje, hindi na maglalabas ng desisyon si Judge Mupas kaugnay sa mga nakahaing mosyon kabilang na ang hirit ng abogado ni Abalos na payagan siyang makapaglagak ng piyansa o isailalim na lamang sa house arrest kaya’t tiyak ng mananatili ang dating chairman na nahaharap sa kasong electoral sabotage sa pasilidad ng SPD.

Mula aniya noong Lunes (Disyembre 19) ay nagpasiya na ang hukom na hindi na magdaos ng anumang pagdinig bagama’t bukas naman aniya ang tanggapan para sa pagtanggap ng mga mosyon at petisyon mula sa mga abogado na humahawak ng kaso na nasa kanyang sala.

Maging ang nakabinbing show cause order o paghingi ng paliwanag kina Abalos at sa abogado niyang si Atty. Brigido Dulay kung bakit hindi sila dapat patawan ng contempt kaugnay sa akusasyong pagpapadala ng emisaryo ng hukom ay sa Enero 9 na rin diringgin.

Nauna ng tumalima sina Abalos at kanyang abogado sa kautusan ni Mupas na magbigay ng paliwanag subalit hindi na ito inilagay sa kalendaryo para talakayin upang bigyang daan muna ang pagdaraos ng Pasko at Bagong Taon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply