Abusadong taxi drivers tutuldukan na

DAHIL sa pananamantala ng ilang abusadong taxi driver lalo na kung kapaskuhan, itinulak ng isang senador ang pagpapataw ng mabigat na multa at parusa sa mga driver na naniningil ng sobra sa kanilang pasahero.

Nais ni Sen. Manny Villar na patawan ng mataas na multa at mabigat na parusa ang driver ng taxi na nanghihingi ng dagdag sa ‘official rates’, ang hindi gumagamit ng metro o yaong nangongontrata ng pasahero at yaong namimili ng pasahero sa destinasyong magugustuhan ng driver.

Giit ni Villar, pagmultahin sila ng mula P5,000 hanggang P 10,000 at suspensyon ng drivers license mula isang taon hanggang limang taon. Kung mauulit ang kanyang paglabag ay habambuhay na hindi makakapagbiyahe ng pampublikong sasakyan.

May ilang buwan nang nakabinbin ang Senate Bill No. 1300 ni Villar kung kaya humihiling ito na mabigyan ng kaukulang atensyon ng Senado, para na rin sa kapakanan ng riding public lalo na kapag sumasapit ang kapaskuhan kung saan pahirapan ang pagsakay sa taxi.

Bukod sa mga driver, pagmumultahin din ang operator ng taxi sa nagmumula sa P 10,000 hanggang P20,000 ang pag-impound ng taxi unit ng mula isang buwan hanggang anim na buwan.

Ang flag down rate ng taxi ngayon ay nasa P40.00 o pag-upo pa lamang ay P40.00 na ang sisingilin sa pasahero, pero marami pa rin sa mga driver ang humihingi ng dagdag kahit na LPG ang kanilang ginagamit kung saan kalahati ang mura nito kumpara sa presyo ng gasolina.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply