Adopt-a-family program sa ‘Sendong victims’

ISANG araw bago mag-Pasko, iminungkahi ni Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma ang pagsusulong ng programang ‘Adopt-a-family Program’ ngayong Pasko para sa mga biktima ng bagyong Sendong.

Ayon kay Ledesma, ang panahon ng Pasko ngayon para sa mga sinalanta ng bagyo sa Mindanao ay hindi panahon ng pagsasaya, kundi ng pagluluksa, dahil sa dinanas nilang trahedya lalo na at marami sa kanila ang nawalan ng mga kapamilya at ari-arian.

Ani Ledesma, dahil dito ay isang napakagandang regalo para sa typhoon victims kung pansamantala silang ‘aampunin’ ng mga taong nakakaalwan sa buhay sa loob ng ilang araw o kahit man lamang sa isang Christmas meal o Noche Buena.

Kasabay nito, iginiit ni Ledesma na sa kabila ng trahedya ay hindi pa rin dapat mawalan ng pag-asa ang typhoon victims.

Aniya, ang dapat lamang ay tulungan ang survivors na muling bumangon at buuin ang kani-kanilang tahanan at buhay.

Labis din ang pasalamat ni Ledesma sa volunteers at mga organisasyong hindi nagsasawa sa pagtulong sa survivors at pagbabahagi sa kanilang biyaya.

Kasabay nito, nanawagan si Ledesma na paigtingin pa ang multi-sectoral effort upang protektahan ang river system upang maiwasang maulit pa ang mapaminsalang baha.

Ang mga lungsod ng Cagayan de Oro at Iligan ang pinakamatinding nasalanta ng bagyong Sendong kung saan nasa 1,080 katao ang iniulat na namatay at mahigit P1 bilyon ang halaga ng mga ari-arian na napinsala.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply