Anak ni Sen. Juan Ponce Enrile na sina Jack at Katrina nagpapakamasa

KAMAKAILAN ay nagprodyus ng show si Jack sa Zirkoh sa Tomas Morato Avenue. Nagpa-press conference pa nga siya ilang araw bago ang show (bagama’t di kami kabilang sa mga nakumbida, nitong Miyerkules, Disyembre 7 nang madaling araw, napanood naman namin si Katrina na nagluluto-luto sa show ni Janice de Belen sa Net 25, ang Spoon (actually dawn replay yong napanood namin).

May mala-fastfood style na restoran pala sa Pasong Tamo Avenue sa Makati si Katrina na ang pangalan ay Petra & Pilar at du’n siya mismo nagluto ng Filipino food with a twist, kasama ang master chef ng restoran na isang Pinoy, siyempre pa.

Nagluto ang chef ng binagoongan na istilong sisig. Si Katrina mismo ang nagluto ng kare-kare sa kasoy (kapalit ng mane) na ang isinasabaw ay pinaglagaan ng bulalo.

Nagluto uli ang chef ng ibang klaseng lengua (inilaga muna sa carrots at tanlad ang dila), at nilalagyan ng sauce na binlender na carrots at tanglad).

Itinanong ni Janice kung sino sina Petra at Pilar, at ang sagot ni Katrina ay yon ang mga lola n’ya sa ama at sa ina, na siyang nagturo sa kanya na magluto. May malalaking litrato sa restoran ang dalawang lola, pati na ang mga asawa nila (na mga lolo, siyempre pa, nina Katrina at Jack).

Actually, konting personal na tanong lang ang naitanong ni Janice kay Katrina. Pero naitanong naman n’ya kung mahirap ba o masarap ang maging anak ng isang influential political figure na paminsan-minsan ay nagiging very controversial.

Inamin naman ni Katrina na tuwing may stand ang ama n’ya na di tanggap ng madla, ang pakiramdam n’ya ay niri-reject din siya ng publiko saan man siya magpunta.

Pero tuwing pinapaboran ng madla ang paninindigan ni Senator Enrile, pakiramdam naman n’ya ay okey na okey rin siya.

Nabanggit nga pala ni Janice na personal friends din naman sila ni Katrina na may mga anak na kasing edad ng mga anak ni Janice kay John Estrada. Pag birthday daw ng sino man sa mga anak ni Katrina, iniimbita nito ang mga anak ni Janice. At ganun din naman si Janice pag birthday ng isa sa mga anak n’ya.

Istilong cafeteria nga pala ang pagpi-present ng mga ulam sa Petra at Pilar — dahil nasa eskaparate ang mga yon, at umuorder ang mga customer sa pamamagitan ng pagtuturo nila sa eskaparate ng gusto nilang kainin. Pero hindi self-service ang restoran dahil may unipormadong waiters na maghahatid ng pagkain sa mga mesa ng customers. Sosyal na restoran ang Petra at Pilar.

* * * *

Mabuhay ang kabadingan!

YAN ang posibleng sigaw ng Repertory Philippines sa taong 1012. Ganu’n ang feeling namin dahil ang opening nila next year ay ang Next Fall na tungkol sa “mag-asawang” bading na poproblemahin ang magkaiba nilang religious beliefs. Yung isa ay isang Born Again Christian at yung isa ay atheist (di naniniwalang may Diyos).

Opo, pareho po silang bading–dahil ganu’n sa Amerika: umaamin na parehong bading ang dalawang lalakeng nagmamahalan. Hindi po sila gaya dito sa atin na ang ibig sabihin ng gay relationship ay may boyfriend ang bading na lalake – na kadalasan ay sinusuportahan ng bading.

Ang beteranong stage actor na si Bart Guingona ang gaganap na atheist at ang banyagang si David Bianco yung Born Again. Nasa cast din bilang isang bading na Born Again Christian ang guwapitong pamangkin ni Mr. M (Mr. Johnny Manahan ng ABS-CBN): si Nicolo Manahan. Hindi pa namin alam kung may makahahalikan din si Nicolo na kapwa n’ya lalake, pero nung sneak preview ng Next Fall, halikan nang halikan sina Bart at David sa mga eksena nila.

Actually, ang alam namin ay boyfriend si Nicolo ni Cris Villonco, ang apo ni Armida Siguion Reyna na isa ring sikat na stage actress. Si Cris mismo ang nagsabi sa amin n’yan nung huli namin siyang mainterbyu ilang buwan lang ang nakararaan.

Pang-showbiz ang kaguwapuhan ni Nicolo, pero kaya hindi siya napapabilang sa Star Magic ng ABS-CBN ay dahil ayaw siguro ni Mr. M na maakusahan siya ng nepotism. Stage actor din noon ang ama ni Nicolo na si Bonggoy Manahan.

May isa pang kamag-anak ng showbiz idol na nasa cast din ng Next Fall –at ito’y walang iba kundi si Juno Henares, kapatid ni Ronnie Henares (na mister naman ni Ida Ramos, tiyahin ni Rhian Ramos. Babae po si Juno, sakaling di n’yo alam. Nung kabataan n’ya, kinilala siyang “Queen of Musicak Theater” at isa sa mga nakatambal n’ya ay si Chrisopher de Leon sa play na They’re Playing Our Song. Yes na yes po, madlang Pinoy, may panahong ang tinaguriang King of Drama Movies ay pumapatol pa sa pagganap sa makaubos-oras na theater productions, kung saan ang talent fees ay di maikukumpara sa kita sa pelikula dahil katiting lang ang talent fees sa teatro.

Medyo mataba na si Juno kaya mother roles na ang ibinibigay sa kanya. Nanay ng bading na Born Again ang papel ni Juno sa Next Fall.

Hindi musical, kundi straight play na comedy ang Next Fall, at sa January 13 pa ito magsisimulang ipalabas sa Onstage Theater sa Greenbelt 1. Hala, magsimula na kayong mag-ipon ng pambili ng tiket. Tumawag sa Repertory Philippines, 571-6926 o 571-4941 para sa presyo ng mga tiket at show schedule.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply