Ang Disyembre 26 at Disyembre 30

SA buwan ng Disyembre,  hindi lamang pagsasaya ang nagaganap sa mahal kong Pinas.

May pagsasaya dahil sa taunang pagdiriwang sa kapanganakan ni Hesus mahigit dalawang libong taon na ang nakaraan.

Ngunit may halo itong lagim at kalungkutan.

Ito’y dahil sa mga digmaang nagaganap sa buong bansa.

DISYEMBRE 30 NI JOSE RIZAL

Bukas, Disyembre 30, aalalahanin ng sambayanan ang pagpusil o pag-firing squad kay Jose Rizal sa noo’y Bagumbayan at Luneta noong  1896.

Alam ba ninyong walong Filipino na sundalo ng mga Kastila ang tumira kay Rizal gamit ang baril na Remington?

Noong binaril si Rizal, sinalansan ng mga sundalong Kastila ang walong sundalong Filipino para itutok ang baril nila sa dibdib nito, ayon na rin sa sarili nitong kahilingan.

May kanya-kanya namang nakatutok na baril ng walo ring sundalong Kastila sa likod ng mga Filipinong sundalo para todasin ang mga ito kung hindi sila susunod sa order sa firing squad.

Matapos na matumba si Rizal na nakatihaya mula sa patalikod na posisyon niya nang siya’y barilin, nilapitan siya ng isang sundalong Filipino at pinutukan siya sa ulo para sigurado siyang patay makaraan.

TUNAY NA KKK AT KALAYAAN

Makaraang maparusahan si Rizal sa pagtraydor umano niya sa Espanya, doon na lumobo ang mga mga pag-aalsa laban sa mga Kastila hanggang sa maging KKK ang pinasimulan ni Lapu-Lapu na pagtigbak kay Ferdie Magellan, ilang daang taon na ang nakararaan.

Yung mga KKK na ito ay tunay at hindi peke (Hehehe).

Sila yung mga pumunit ng sedula sa Balintawak upang simulan ang rebolusyong mapagpapalaya ng Pinas mula sa kuko ng mga Espanyol.

At kahit na nakulapulan ng mga katraydoran ang rebolusyong KKK, dito na nagwakas ang 333 taong pananakop nina Magellan at nina Padre Damaso.

Kaya naman, ang Disyembre 30 ay makahulugan sa lahat sa atin.

DISYEMBRE 30 NG JI/ABU SAYYAF

Habang inaalaala natin ang kabayanihan ni Rizal sa buong maghapon noong taong 2000, anak ng tokwa, pinaghalo ng mga Abu Sayyaf at Jemaah Islamiyah ang balat at tinalupan.

Limang lugar ang kanilang binomba.

Unang binomba ang Plaza Ferguson na malapit lamang sa US Embassy, Manila at sumunod ang isang gasolinahan sa harap ng Dusit Hotel sa Makati.

Pinasabog din ang cargo handling area ng Ninoy Aquino International Airport at ang isang bus sa EDSA na patungong Cubao, Quezon City.

Ang Light Railway Transit ang napuruhan nang todo at may pinakaraming namatay.

Umabot sa 22 ang namatay sa mga pagsabog na ito at mahigit 100 ang nasugatan.

NEVER AGAIN

Mula noon, lumutang nang husto ang mga nabanggit na terorista hanggang sa madakip at mapatay ang ilang sangkot dito.

Nananatiling banta sa kasalukuyan ang grupong ito kahit saang lugar sa bansa.

Sana naman, hindi na maulit pa ang walang kapararakang pambobombang ganito.

Kung bakit naman na tayo ang binobomba sa halip na ang kanilang tunay na kaaway?

Magtulong-tulong na lang  tayo, mga Bro, na pigilin ang ganitong pambobomba.

Kung may babala ang mga awtoridad, makinig at sumunod na lamang tayo.

Alalahaning may sumunod pang mga pambobomba gaya ng nangyari sa isang malaking pampasaherong barko na kinalululanan noon ng napakaraming matatalinong estudyante at guro na galing sa paligsahan sa Calabarzon.

MINDANAO BINOBOMBA

Ang Mindanao ang pinag-iinitan at nakaaawa na ang mga biktima riyan.

Kahit na dinidelubyo na ang marami sa bahaging ito ng Pilipinas, anak ng pitong putakte, mayroon pa ring mga nambobomba.

Dahil naghahalo na ang balat sa tinalupan, maging ang mga tauhan ng mga pulitiko ay tumutulad na rin.

Nambobomba na rin.

Sana naman, tigilan na ang walang katapusang pambobomba na ang mga pangunahing biktima ay mga ordinaryo at inosenteng sibilyan.

DISYEMBRE 26 NG CPP

Dati-rati, basta’t dumarating ang Disyembre 26 sa nakalipas na 43 taon, dinidilig ng dugo ang lahat ng sulok ng bansa dahil sa digmaan ng pamahalaan at mga rebolusyonaryong komunista.

Naging madugo lagi ang Disyembre sapagkat ang Disyembre 26 ang pagkakatatag ng Communist Party of the Philippines at ang New People’s Army ang armadong puwersa nito.

Bukod sa tigil-putukan na pinairal ng CPP-NPA sa ilang araw, Disyembre 24-26 at Disyembre 31-Enero 2, napakagandang pakinggan ang huling pangyayari.

SAGIP-BAYAN

Nag-anunsyo ang CPP-NPA ng  programang sagip-bayan para sa lahat ng mga nasasalanta ng mga baha.

Kabilang na sila sa mga naghahatid ng mga salapi, gamot, pagkain at iba pang pangangailangan ng mga nadelubyo lalo na sa Mindanao.

Sa halip na pag-agos ng dugo ang maganap, buhay ang itinatatag at dinurugtungan dahil sa pakikipagtulungan ng mga comrade natin sa lahat ng mga gumagawa ng pagliligtas at pagtulong sa mga sinasalanta ng kalamidad.

Sana masundan pa ang ganitong mga eksena sa ating bayan.

Saan at pasasaan ang Pinas kung isang araw ay makita natin ang isa’t isa na nagtuturingang magkakababayan, magkakapatid at magkakapitbahay?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply