Ano kamo?

HINDI pwedeng hindi magsaya sa Pasko. Kahit nga hindi Kristiyano ay nadadamay sa selebrasyong ito.

Pero siguro hindi na natin aasahan na magdiwang ang mga nasalanta ng bagyo. Iba ang usapan ngayon doon sa mga lugar na dinaanan ng delubyo. Ang paksa roon ay ‘mass burials’, at ang tumataas pang bilang ng mga patay.

Imbes na maghanda para sa Pasko, ang kakulangan ng kabaong ang pinoproblema nila. Paano magsasaya ang mga pamilya ng mga hanggang ngayon ay nawawala pa, nabaon sa putik na dala ng flashfloods? Tayo paano tayo magsasaya? Samantalang laman ng dyaryo at mga radyo, araw-araw na halos, ang mga kwento na galing sa mga lugar na nasalanta ng bagyo.

Pero may magagawa tayo. Ano kamo? Kailangan ng ating mga kapatid sa Mindanao ng mataimtim na panalangin para makabangon sila at madaling makapag-umpisa ulit. Kailangan din nila ang tubig, damit, pagkain. Kailangan nila ang gamot, mga kumot, mga tuwalya, sabon, shampoo, toothbrush at toothpaste. Lahat ng ito ay nawala na sa kanila, dinala ng baha.

Kailangan din nila ang doktor doon para masuri ang kanilang mga anak. Kailangan nila ang mga pari at mga madre. Kailangan nila ang mga aklat, notebooks, mga lapis at papel. Kailangan nila na dumalaw doon si Pangulong Aquino at kanyang mga Gabinete. Ngayon na.

Kailangang nila ang plato, kutsara at tinidor, mga baso at gamit sa pagluluto. Kailangan nila ang kurtina, unan, kutson. Kailangan nila ito hindi dahil sa anopaman kundi para man lang maramdaman nila na may kasama sila, may katuwang at karamay sa trahedyang ito.

Marami ang kwento nila na nalathala sa mga dyaryo at naisalaysay sa mga radyo, pero mas marami pa ang hindi natin naririnig at marahil ay hindi na natin maririnig. Mga mas malagim na kwento pa siguro na hindi na natin malalaman.

Tayong nasa ibang lugar, tayong ligtas at patuloy sa paghahanda sa darating na Pasko, pwede pa rin tayong magsaya at magdiwang sa kabila ng lahat. Magpaabot lang tayo ng dasal at kung ano man na ating makakayanang iabot para sa mga biktima ni Sendong.

Mag-text po kayo sa akin sa 09209280847 o mag-email sa ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon tungkol sa isyung ito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply