Appointment ng SC justices, taumbayan ang humusga

KALIWA’T kanan ang panawagan ng mga mambabatas na bumitaw itong si Chief Justice Renato Corona sa kaso ni dating Pangulong Gloria Arroyo.

Dati raw kasi itong tauhan ni GMA bago pa man mai-appoint bilang pinuno ng Supreme Court ng walang kuwentang administrasyon ng dating Pangulo.

Ang problema, hindi lamang si Justice Corona ang nag-iisang appointee sa SC ng Arroyo administration kundi may pitong iba pa. Sila ang walong mahistrado na binabatikos ngayon ng ilang mambabatas matapos nilang paboran ang petisyon ng kampo ng dating Pangulo na makalabas ng bansa upang maipagamot ang maselang sakit nito sa buto.

Sa madaling salita, mayorya ang bilang ng mga appointee ni Arroyo sa SC kumpara sa mga hinirang ni Presidente Aquino.

Kahit nagpaandap-andap noong una, naihabol naman ng government prosecutors natin, sa pangunguna ni Justice Secretary Leila de Lima, ang natatanging remedyo at ito ay walang iba kundi ang mabilisang pagsampa ng kasong kriminal (election sabotage) laban kay Arroyo. Wagi ang gobyerno na mapigilang makaalis (o makatakas?) si Arroyo.

Sa aking pananaw, sumadsad ang pagtitiwala sa Korte Suprema ng karamihan sa ating mga Pinoy (lalo na yaong may kimkim na galit sa mga Arroyo) da-hil sa desisyon nito sa petisyon ng kampo ni GMA.

Bakit nga ba kinakailangan pang manggaling sa kumpas ng Pangulo ng bansa ang appointment ng sinomang kandidato para sa pagkamahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ng bansa? Matagal nang nangyayari ang ganitong sistema gayung sa ilalim ng ating batas ay magkahiwalay ang sangay ng executive at judicial level sa ating gobyerno!

Ang bendisyon ng isang Presidente sa pagkakahirang ng isang kandidato bilang mahistrado sa Korte Suprema ay masamang pangitain na sa umpisa pa lamang ay may bahid na ng dumi ng pulitika ang kasuotan ng mahistradong mauupo sa Kataas-taasang Korte ng bansa.

Sino ang maniniwala na hindi kailanman mababahiran ng pulitika ang desisyon ng mga mahistrado sa SC gayung maituturing na pulitika ang nagluklok sa kanila?

Sa ganang akin, burahin na kaagad ang ganitong sistema. Bakit hindi na lang alisin sa Presidente ng bansa ang kapangyarihang pumili ng mga magsisiupong mahistrado sa Korte Suprema? Maaari namang ipasa ang responsibilidad na ito sa mga bumubuo ng Judicial Bar Council at ng Bar Association of the Philippines.

At upang mas mapaige pa, bakit hindi na lang ang mismong taumbayan ang magsipili? Maaaring gawin ito sa pamamagitan ng referendum.

Sa palagay ko, matitiyak natin na sa mamamayan at wala ng iba pa maaaring tumanaw ng utang na loob ang bawat mahistrado ng SC.

Lalaya na rin sila sa bahid ng pulitika at pang-aalipusta ng mapagkun-waring mga pulitiko katulad ng nangyayari sa ngayon!

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply