Arsobispo: PNoy, kulang ang talino sa batas

PINASARINGAN ng isang arsobispo si Pangulong Benigno Simeon Aquino III na walang alam sa batas dahil sa tahasang pambabatikos sa mga desisyon ng Korte Suprema sa harapan mismo ni Chief Justice Renato Corona, na itinaon pa sa isang pagtitipon na inorganisa ng mataas na hukuman.

Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), mistulang pini-personal na ni PNoy si Corona lalo pa’t maraming desisyon ang Korte Suprema na tutol sa kalooban ng pangulo.

Partikular na tinukoy ni Cruz ang pagpabor ng punong mahistrado na maipamahagi na sa mga magsasaka ang lupain ng Hacienda Luisita na pagma-may-ari ng pamilya ng pangulo.

Binigyang-diin ni Cruz na kailangang makintal sa isip ng Pangulo na may hiwalay na kapangyarihan ang ehekutibo at hudikatura, na  dapat lang na igalang nito.

“Ang tingin ko, ang pangulo ay masyadong kulang ang kaalaman.  Hindi lamang tungkol sa konstitusyon, pantay-pantay ang executive, legislative at judiciary kundi ang akala niya basta ang batas ay hindi sang-ayun sa gusto niya ay mali yung nagbibigay ng pagpapasya ayon sa batas.   Naaawa ako doon sa Presidente pagkat ang tingin ko ay masyadong kokonti ang kaalaman at kanyang nararating sa mga bagay na ito,” ayon sa arsobispo, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Naniniwala rin si Cruz na si Corona ang nagwagi sa paghaharap nila ni PNoy nitong Lunes dahil sa ‘kadadakdak’ umano ng pangulo ay maraming tao ang pumula sa kanya, habang marami naman ang pumuri sa punong mahistrado na nagpasyang manahimik na lamang laban sa mga patama ng pangulo.

“Kaya sa nangyari kahapon, siya itong salita ng salita at si Corona ay tahimik lamang. Ang nanalo ay si Chief Justice Corona at ang napulaan ng maraming tao ay siya!” ayon pa sa arsobispo.

Kaugnay nito, pinayuhan pa ng arsobispo si Corona na huwag pasisindak kay PNoy at sundin kung ano ang tama at itinatakda ng batas.

Matatandaang tumanggi si Corona na magbigay ng komento sa mga pasaring ni PNoy at sinabing, “Hayaan na natin, holiday season naman.  Let’s speak of peace.”

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply