Bagong buhay sa Bagong Taon – Archbishop Tagle

HINIMOK ni Manila Archbishop Luis Antonio Tagle ang mga Pinoy na magkaroon ng bagong buhay kasabay nang pinakaaabangang pagsapit ng Bagong Taon.

Sa kanyang New Year’s message para sa mga Pinoy, sinabi ni Tagle na bagamat maraming problemang kinaharap ang mga Pinoy ngayong taon, dapat aniyang makita ng mga Pinoy sa taong 2012 na sila ay mga tunay na anak ng Diyos.

“Heto na naman ang Bagong Taon, 2012 na po. At sa inyo po lahat ang aming marubdob na pagbati ng isang mabiyaya, isang mas maliwanag at mas mapayapang bagong taon. Isa lamang po ang ating hiling sa gitna ng napakaraming possible New Year wishes, ito po ang aking panalangin, na sa taong darating makita nawa ng lahat na tayo’y tunay na mga anak ng Diyos, bagong taon, bagong buhay, bagong pagsilang, bagong mukha ng mga anak ng Diyos.”

Hinimok din ni Tagle ang mamamayan na magkaroon ng bagong buhay hindi lamang sa panlabas na ayos.

Aniya, dapat pangatawanan ng mga Pinoy ang pagiging tunay na anak ng Diyos, na anak ng liwanag, katotohanan, katarungan, pagmamahal at kapayapaan.

Kaugnay nito, nagpaabot din ng taus-pusong pagbati si Tagle sa sambayanang Pilipino para maging tunay na maligaya at mabiyaya ang taong 2012 para sa lahat.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply